AROGANTENG SEKYU SA BI, SIPAIN!

BISTADOR Ni RUDY SIM

ILANG kapabayaan na ang nangyaring kapalpakan ng ilang mga tauhan ng ODIN security agency na nakatalaga sa Bureau of Immigration, ngunit tanging ang inosenteng mga pobreng sekyu ang kanilang isinakripisyo at nananatili pa rin dito ang kanilang officer in charge na matapos sipain sa naging duty umano nito sa isang government agency ay inilagay pa ito sa BI kung saan ay kasalukuyang nagkakalat ito ng katangahan at pagiging arogante.

Sino kaya ang padrino nitong si Romeo Hermoso na commander ng mga sekyu sa BI na matapos ang ilang kapalpakan sa kanyang pamumuno ay nananatili pa rin ito dito? Mayroon kayang nakikinabang?

Nakaraang taon lamang ay dalawang malaking kaso na nagkaroon ng security lapses ang nangyari sa BI, nauna rito ang nangyari noong February 2021, makaraang hindi dumaan sa security upang magkaroon ng coordination, nang sumugod ang mga tauhan ng NBI para may arestuhin sa nangyaring suhulan sa legal division na ikinadakip sa isang liaison officer na si Vivian Lara na nahulihan ng bultong passports ng Chinese at malaking halaga sa tanggapan ng isang lawyer.

Sumunod dito ay ang pagkakabaril ng kapwa empleyado ng ahensya sa kanyang kasamahang si Braulio Quimado dahil sa mainitang pagtatalo sa isang bar na hindi kalayuan sa BI building. Ang nangyaring kapabayaan ay nangyari matapos na payagan umano ng isang tauhan ng Odin security agency na ipahiram sa isang off duty officer ng CSU, ang service shotgun ng ahensya na ginamit sa krimen.

Dahil dito, agad na sinibak ang mga nasangkot, maging ng mga duty officer ng sekyu ngunit hindi ipinairal ang command responsibility upang sipain ng agency si Hermoso sa BI dahil ang katwiran umano ng mga ito ay wala pang mahanap na ibang tanga upang ipalit dito.

Kung ito ay binalewala ni dating BI Commissioner Jaime Morente ay dapat na malaman ito ni bagong Commissioner Norman Tansingco bago pa mangyari ulit at magkaroon muli ng kapalpakan dahil sa katangahan ng OIC ng mga sekyu sa pamamalakad sa kanyang mga tauhan.

Nakaraan lamang ay tila nakalimutan ni Hermoso na iwanan sa kanyang bahay ang “katangahan” nang magtungo ito sa kanyang duty sa BI, nang sinita nito ang isang menor de edad na bata na hindi pinayagang makapasok dahil sa kasuotan nito. Nakalimutan yata ng kumag na ito na pinapayagan ang menor de edad ano man ang kasuotan nito.

Matapos na hindi payagan ang bata na makapasok ay kasama nitong nagmalupit sa mga bata ang isang lady guard na si “Layno” na ibinilad sa napakainit na lugar ang mga bata na isang maliwanag na paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and their Children Act.

Dapat ay sipain at hilingin ni Tansingco sa Odin na palitan ang OIC bilang parusa upang hindi tularan na maaaring ikasira sa magandang hangarin ni Tansingco na malinis ang ahensya.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

44

Related posts

Leave a Comment