DPA ni BERNARD TAGUINOD
HINDI ako umaasa na magkakaroon ng accountability ang public officials sa maling paggasta sa pera ng bayan na mula sa buwis na binabayaran ng sambayanang Filipino para patuloy na gumana ang gobyerno.
Tuwing may natutuklasang kontrobersya sa illegal na paggamit ng pera ng bayan tulad ng kinahaharap ngayon ni Vice President Sara Duterte hinggil sa P125 million confidential funds na ibinigay sa kanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ginastos sa loob ng 19 araw lang, ang laging panawagan ng iilan, uulitin ko, iilan, ay dapat magkaroon ng accountability.
Wala pa tayong narinig na public officials lalo na ang mga matataas, ang naging accountable sa illegal na paggamit ng pera ng bayan.
‘Yung mga mababa ang ranggo, baka meron at hindi lang natin namo-monitor hanggang sa malaman na lang natin na sila ay sinibak sa puwesto dahil sa illegal disbursement o hindi maipaliwanag kung saan ginamit ang pera kapag nasangkot sa isang kontrobersya.
Pero sa matataas na mga opisyales ng pamahalaan, asa pa kayo! Ang dami na tayong nabasa at naisulat na illegal na paggamit ng pera ng bayan na ang sangkot ay top officials pero may naparusahan ba?
Hahanap at hahanap ang mga alipores ng mga ‘yan ng dahilan para idepensa ang kanilang mga amo hanggang sa kusang mamatay ang isyu at tuluyan nang makalimutan.
Kahit ‘yung netizens, may hangganan din ang kanilang mga kritisismo sa mga opisyales ng gobyerno gamit ang social media. Nananawa rin ang mga iyan tulad ng mga nasa mainstream media.
‘Yan kasi ang kultura ng Pinoy, nagagalit kapag may natuklasang anomalya pero madali sila makalimot at mapagpatawad sa corrupt officials, dahil kung hindi sila madaling makalimot, hindi mapagpatawad sa mga nagnakaw sa kanila, hindi nila iboboto pa ang mga iyan.
Ang isang problema rin kung bakit walang accountability ay dahil sa sistema ng hustisya sa ating bansa. Ang daming prosesong pagdadaanan bago maparusahan ang isang nagkasala.
Sa ibang bansa, kapag nasangkot ang isang opisyal sa katiwalian, kahit alingasngas lang, agad silang nag-iimbestiga, kinukumpiska ang kanilang mga ari-arian at agad na inaaresto kapag may nakitang isang ebidensya lang.
Pero dito sa atin, ang laging sandata ng mga nasasangkot sa anomalya ay due process, ang prosesong sila lang ang laging nakikinabang habang ‘yung maliliit at mahihirap ay walang due process. Tingnan niyo ‘yung mga namatay sa ‘war on drugs’ na wala namang kinalaman sa droga.
Pero kasalanan din natin kung bakit maraming umaabuso sa kanilang kapangyarihan, dahil hinahayaan natin sila sa pamamagitan ng ating pananahimik, madaling makalimot at mapagpatawad.
Hindi rin tayo nagkakaisa kapag may natuklasang anomalya. Watak-watak tayo at may kumakampi sa mga corrupt at kapag nagsalita na sila sa harap ng mga tao, pinapalakpakan at nakikitawa pa sa kanila kahit corny ang kanilang joke. ‘Yan tayo eh.
293