ATRAS-ABANTENG TARGET

TAMPULAN ng kantyawan ang mga ahensyang kasapi ng National Task Force Against COVID-19 sa kanilang tila atras-abanteng target sa tuwing maglalabas ng anunsyo kaugnay ng bilang na kanilang target.

Bago pa man inumpisahan ang tatlong araw na National Vaccination, nagyabang na ang mga taong gobyerno sa nakakalulang bilang ng mga taong anila’y kayang-kaya nilang bakunahan. Ang unang bilang – 15 ­milyon.

Ang siste, bigla nilang ibinaba sa 9 ­milyon na lang ang target isang araw bago ang ­nakatakdang araw ng sabayang bakunahan sa iba’t ibang panig ng bansa. Katwiran ng ­gobyerno – kapos naman sa ­herenggilyang kailangan sa aktuwal na pagtuturok.

Nang matapos ang tatlong araw ng 3-day National Vaccination, ni hindi man lang umabot sa kanilang ibinabang target ang bilang ng mga naturukan, bagay na nagtulak sa pamahalaan para palawigin pa hanggang Disyembre 3 ang programang naglalayong bigyang proteksyon ang mamamayan sa nakamamatay na karamdaman.

Ang totoo, maliban sa mga taong ­gobyerno, wala naman talagang umaasang mahahagip ng gobyerno ang target, kaya naman hindi na ikinagulat ng publiko ang kabiguan nilang maabot ang target na sila mismo ang nagtakda.

Kasi naman, ganyan din ang nangyari sa mga pabida ni vaccine czar Carlito Galvez sa aspeto ng pagdating ng bakuna, herd ­immunity, at iba pang pawang sumablay kalaunan.

Ang pagdating ng bakuna, palaging ­naaantala kasi raw kapos ang supply. Ang herd immunity na itinakda sa 70% ng general population, biglang binago at ginawang 70% ng mga nasa hustong gulang lang. Ang herd immunity na ipinangakong makakamit bago matapos ang taon, inusad sa susunod na taon.

Sa isang banda, tama rin namang ­ipagpaliban nila lahat ng ‘yan sa susunod na taon. Para nga naman gwapong gwapo ang ­administrasyon sa pagsapit ng eleksyon.

3

Related posts

Leave a Comment