PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI na nakuntento ang administrasyong ito sa kabila na tinanggal na nila bilang Executive Secretary (ES) si Atty. Vic Rodriguez, hanggang ngayon ay wina-wiretap pa rin nila ang dati nilang tagapagtanggol.
Ayon kay Maharlika ng Boldyak TV, mula noong nakaupo pa si Atty. Rodriguez, bilang ES, ay pina-wiretap na ito ni LAM.
Kung matatandaan natin, wala pang isang taon sa pwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay inalis na nila si Atty. Rodriguez na dati nilang tagasalag ng mga banat kay BBM.
Inisyu nila kay Atty. Rodriguez ang ‘conflict of interest’ dahil sa pagtatalaga kay Christopher Pastrana, bilang General Manager ng Philippine Ports Authority (PPA).
Sinasabing si Pastrana ay kamag-anak ng asawa ni Atty. Rodriguez at tuloy-tuloy na pinabanatan nila kina Anthony Taberna at RJ Nieto ang nagsakripisyo mula pang noong 2016 hanggang nitong nakaraang presidential election.
Ayon kay Maharlika, isang nagngangalang Marcelino “Thor” Cutamora, Ashguard Owner na malapit kay LAM, ang nakikipag-ugnayan umano kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan Uy, para i-wiretap si Atty. Rodriguez.
Sinabi pa ni Maharlika na hindi lang si Atty. Rodriguez ang wina-wiretap ng grupo ni LAM kundi maging siya at iba pang mga tao na gusto nilang manmanan.
Hindi umano napagbigyan ni Atty. Rodriguez ang gustong ipa-appoint ni alyas “Thor” at naudlot ang mga pagkakakitaan nito kaya nagsumbong ito kay LAM hanggang sa pag-initan ang kawawang itinaya ang buhay para manalo bilang pangulo si BBM.
Kung ‘conflict of interest’ ang iniisyu nila kay Atty. Rodriguez, hindi ba ‘conflict of interest’ ang pag-appoint nila kay Paul Soriano, bilang Presidential Adviser for Creative Communications, at kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Toni Yulo-Loyzaga na pawang kamag-anak ni LAM?
Si Soriano ay may negosyo na may kinalaman sa communications na namamayagpag ngayon sa mga transaction sa gobyerno.
Hindi rin ba ‘conflict of interest’ nang itinalaga nila si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino “Jerry” Acuzar na isang kilalang nagmamay-ari ng New San Jose Builders?
Malinaw na hindi ‘conflict of interest’ ang dahilan kaya pinatanggal ni LAM si Atty. Vic Rodriguez, ito ay dahil hindi nila ito mapasunod sa kanilang mga gusto.
Kawawang Atty. Vic Rodriguez, ginamit lang nila para sila ay makapwesto, pagkatapos ay sinipa na nila ito.
Sabi nga ni Maharlika, mahirap magtiwala sa ahas, tutukain ka at tutukain ka pagdating ng panahon.
Ganoon ang nangyari kay Atty. Vic Rodriguez, binalewala nila ang sakrispisyo nito na halos hindi na umuuwi sa kanilang bahay para samahan lang si BBM sa lahat ng oras ng kanyang pangangailangan.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com
