DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG merong nagsasamantala sa mga ayudang ipinamamahagi ng gobyerno sa pamamagitan ng mga mambabatas, ay ang barangay officials dahil ginagamit nila ito sa kanilang pampulitikal na interes.
Bago kasi maibaba ang ayuda ay kailangang magsumite ng pangalan ang local officials sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para alamin kung ang mga ito ay nakatanggap na ng tulong pinasyal sa loob ng nakaraang tatlong buwan.
Kapag kasi nakatanggap na ng ayuda sa nakaraang tatlong buwan ay dapat ibigay naman ang pagkakataon sa iba na hindi pa nabigyan ng tulong para lahat ay matulungan pero ang nangyayari sa ibaba kung sino ang malapit lang kina barangay captain ang nabibigyan.
Open secret na raw sa ibaba na etsapuwera ang mga taong identified ni barangay captain na mabigyan ng ayuda na hindi dapat nangyayari dahil hindi lang ang mga bumoto sa kanya ang dapat matulungan ng gobyerno.
Hindi naman kasi makapagre-recruit ang tanggapan ni Congressman o ni Senator ng mga tao na makatatanggap ng ayuda mula sa kanilang pondo kaya ang laging inaatasan na gumawa niyan ay ang barangay officials.
Kung may mga tao naman sina Congressman at Senator sa ibaba na mag-a-identify ng beneficiaries, mahihirapan din sila dahil si Barangay Captain ang magbibigay ng certificate of indigency na isa sa pangunahing dokumento na kailangan ng DSWD.
Ang katuwiran palagi ni Barangay Captain, hindi siya ang pumili ng beneficiaries kaya hindi siya magbibigay ng certificate of indigency lalo na kung ang napiling mga tao ng mga tauhan nina Congressman at Senator ay alam niyang hindi bumoto sa kanya.
May mga pagkakataon din daw na halos magmakaawa ang beneficiaries para mabigyan siya ng certificate of indigency ng kanilang barangay captain gayung tungkulin ng barangay officials na tulungan ang kanilang nasasakupan, bumoto man o hindi ang mga ‘yan sa kanila.
Kung mag-iimbestiga lang daw ang DSWD, malamang ay malalaman nila na ang mga laging ipinapasok ng mga barangay captain na beneficiaries sa ayuda ay mga kaanak nila at mga loyal sa kanila.
Kaya kung may nakikinabang at namumulitika sa mga ayuda ay ang mga barangay captain kaya dapat nang baguhin ang sistema na kailangan muna ng certificate of indigency bago makatanggap ng ayuda sa gobyerno.
Hindi naman lahat ng barangay captain ay gumagawa n’yan pero marami sa kanila ang gumagamit sa ayuda para sa kanilang political, personal, family at supporters interest kaya dapat baguhin na ang sistemang ito dahil ‘yung recommended naman nila ay hindi naman indigent o mahirap eh.
36