BABABA PA BA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN BAGO MAGPASKO?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NANANATILING mataas pa rin ang presyo ng mga sangkap sa pagluluto batay sa pinakahuli nating pagkakaalam.

Ang kada kilo ng luya ay nagkakahalaga ng P250, samantala nasa P150 naman ang per kilo ng kamatis.

Noong nakaraang mga buwan ay umabot ng P300 ang kada ng kilo ng luya, kamakalawa bumaba lamang ito ng P50 na umabot ng P250 ang kada kilo sa ilang mga pamilihan.

Kamakailan, nakatanggap ang PUNA ng mga ulat na kaya umano tumaas ang presyo ng luya na umabot ng P300 kada kilo, kasi walang gaanong suplay sa merkado.

Dahilan ay tinago raw umano ng mapagsamantalang mga negosyante ang luya kaya kinapos ang suplay nito sa mga pamilihan.

Nagsabwatan umano ang ilang mga negosyante, bumili sila ng maraming luya sa mga magsasaka at saka nila itinago sa kanilang warehouses.

Nang walang mabiling luya ang mga tao ay bigla itong tumaas na umabot ng P300 kada kilo.

Nang tumaas ng P300 ang kada kilo ng luya ay saka naman inilabas ng mga negosyante ang kanilang nakaimbak na mga luya.

Kaya hayun, tiba-tiba na naman ang mga ito sa laki ng tubo nila sa kanilang luya.

Ibang klase talaga itong mga negosyante, sila na ang nagdidikta ng presyo ng mga bilihin, hindi na ang gobyerno.

Habang may krisis sa Pilipinas lalo namang lumalaki ang kita ng mga negosyante lalo na ang mga mapagsamantala, wala kasi silang pakialam sa naghihikahos na mga Pilipino.

Inaasahan sana ng taumbayan na kumilos ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) laban sa mga mapagsamantalang mga negosyante.

Lalo’t nalalapit na ang pagpasok ng ber months na inaasahang lalong lalakas ang demands sa mga sangkap ng pagluluto na ngayon pa lang ay mataas na ang presyo tulad ng luya at kamatis.

Hindi naman pupwede na gagamitin laging dahilan ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo kaya mataas din ang presyo ng mga bilihin sa bansa.

Paano pala kung totoo ngang itinatago ng mga negosyante ang ilang agri-products para pataasin ang presyo nito?

Kahit naman hindi bumaba ang presyo ng langis kung napakarami naman nating suplay ng luya at kamatis, palagay ko hindi naman aabot ng ganyang kataas ang presyo ng kada kilo niyan.

Kaya nga mataas kasi walang gaanong suplay ng luya sa merkado dahil itinatago.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

33

Related posts

Leave a Comment