BAGO LUMIPAD, MAGPLANO MUNA SA PAGLAPAG

AKO OFW

MARAMING aral din naman ang naidulot ng ­kasalukuyang dinaranas na krisis dahil sa Covid Pandemic. Kung dati ay halos hindi naapektuhan ang kabuhayan o trabaho ng mga OFW, pero sa pagkakataong ito, maging ang mga seafarer at mga OFW na may magandang hanapbuhay at kumpanya ay hindi pinatawad sa krisis na nagaganap.

Sabi nga ng ilang OFW na aking nakausap, mabuti-buti pa nga ang mga OFW na kasambahay kumpara sa skilled workers na ‘no work-no pay’ sapagkat ang mga kasambahay ay tuluy-tuloy ang trabaho, suweldo at pagkain samantalang ang mga skilled worker na ‘no work-no pay’ ay talagang naapektuhan lalo na sa supply ng pagkain.

Katunayan, sa ginagawang food assistance ng aking matalik na kaibigan na si Romano Roman na nasa Kuwait, karamihan sa nagbibigay ng donasyon na pagkain at gatas sa kanya ay mula sa mga OFW na kasambahay. May ilan pa umanong nagbibigay ng ­konting halaga para ­maipandagdag sa pambili ng gatas para sa mga anak ng skilled workers na nawalan ng trabaho o kaya ay no-work, no-pay.

Madali ang magplano patungo sa ibang bansa, ngunit ang malimit nakakaligtaan ng mga OFW ang magplano nang pagbabalik ng Pilipinas. Kalimitan, kapag ang OFW ay tatanungin, ang tanging sasabihin lamang nila na dahilan sa pangingibang-bansa ay para mapag-aral ang anak, makapagpatayo ng bahay at makapagtayo ng sariling negosyo.

Subalit kapag nakarating na sa ibang bansa, madali na itong malibang at nakakalimutan ang tunay na dahilan nang pagtatrabaho bilang OFW. Kaya sa oras na dumara­ting ang pangangailangan katulad nang nagaganap na ­pandemya, walang mahugot na ipon kaya ngayon ay todo asa sa ayuda ng gobyerno.

Muli ko tuloy naalala ang aking ginawang pagpaplano bago pa ako tumulak sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Ilang linggo bago ako lumipad patungo sa Kuwait, isinulat ko na muna ang aking timeline. Dito ay nakasaad kung kailan magtatapos ng pag-aaral ang aking mga anak. Nakasulat din na isang taon bago sila magtapos sa pag-aaral, magsisimula naman akong bumili ng lote na hulugan at kung kailan ko pasisimulan ang pagpapagawa ng aming tahanan. Nakasulat din sa aking timeline ang taon kung kailan ako uuwi sa Pilipinas para magretiro.

Mistula ko itong bibliya na lagi kong tinitingnan at sinusundan para maging gabay ko sa aking mga plano sa mga gastusin.
Marahil ay hindi pa naman huli ang lahat, para ang mga OFW ay gumawa ng sarili nilang timeline at paghandaan ang kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

100

Related posts

Leave a Comment