BAHAY AT BUHAY

Psychtalk

(Ikalawang bahagi)

Naririnig ko pa rin sa isip ko ang tinuran ng alkalde ng Maynila tungkol sa pagbibigay-dignidad sa mga sarili ng mga kababayang mahihirap kahit man lang sa paglilinis ng kanilang mga tirahan.

Tamang-tama naman ang mga tirurang ito.

Kaugnay nga ng mga naitanong ko sa unang bahagi ng sula-ting ito, paano nga ba natin maipapaunawa ang ibig sabihin ng salitang dignidad para sa mga taong ang tirahan ay nakasingit-singit sa mga estero? O kaya’y nakasiksik sa mga ilalim ng tulay, o gilid ng mga lumang establisimiyento sa siyudad?

Paano mo pa iisipin ang pagpapaganda ng tirahang ‘di nga tiyak ng utak mo kung tatawagin itong bahay? Nakaka-kilala pa ba ng sining o estetika ang mga taong ang pangunahing problema ay saan kukuha ng ilalaman sa tiyan sa susunod na kainan?

Maigi naman na natuturuan o nahihikayat natin ang ating mga kababayan tungkol sa kalinisan. Sabi nga ng mga guro ko sa Home Economics noong ako’y nag-aaral pa, ang pagkamalinis ay kasunod ng pagkamaka-Diyos (Cleanliness is next to Godliness).

Wala ring duda na nakakagaan ng kalooban ang kumilos at magpahinga sana sa isang tirahang malinis, maalwan at nasa tamang ayos at lugar sana ang mga batayang kailangang istraktura gaya ng palikuran, kusina, pahingahan, lugar para sa social activities. Ngunit hindi ito possible sa mga tahanang payak na parisukat lamang at nandoon na lahat ang ikot ng mga gawain ang pangangailangan ng nagsisiksikang mag-anak.

Alam naman natin ang adhikain at pinanggagalingan ng alkalde ng binanggit niya ang mga salitang ‘yun sa balita. Ngunit hindi sapat na iikut-ikot lang ang mga barangay o city officials at titignan kung sino ang naglilinis ng kapaligiran at hindi.

Maaari bang tulungan ng konkretong ayuda ang mga komunidad na sobrang naghihirap para magkaroon man lang ng sapat at disenteng tirahan? May malinis na linya ng tubig, may palikuran ang bawat tahanan at hindi na kailangang umasa sa mga kanal, estero o ilog para sa mga pangangailangang ito?

Baka kakayanin ng pamahalaang lokal na hindi lang face-lifting ang gagawin kundi ganap na ma-rehabilitate ang mga komunidad at mapalaya ang mga barong-barong sa pamamayani ng mga ipis at daga para totoong may kahulugan ang kampanya para sa kalinisan?

Malamang, kung tatanungin natin ang a-ting mga kababayan, sila rin mismo ay nag-hahangad na magkaroon ng kapaligiran at tirahan na ipinauunawa nating makabubuti para sa kanila. Sino ba ang ayaw makatugon sa isa sa mga batayang pangangailangan ng isang tao? (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

191

Related posts

Leave a Comment