BAKIT ANG DAMING ADIK SA CIF?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MUKHANG nagkalat at dumarami ang mga adik, hindi sa illegal na droga, kundi sa confidential at intelligence funds (CIF) sa gobyerno dahil biglang naghingian ang mga ahensya ng pondong ito kahit wala silang kinalaman sa intelligence gathering.

Dahil ba kapag sinabing confidential at intelligence funds ay hindi na binubusisi ng Commission on Audit (COA) kung papaano nila ginamit ang pondong iyan kaya puwede nilang gamitin kung saan lang nila gusto….wala namang auditing eh, ‘di ba?

Hindi biro ang mahigit P10 billion na CIF na hindi alam ng Filipino taxpayers kung saan at paano ginagamit ng mga opisyales ng gobyerno lalo na ang department heads na walang kinalaman sa national security at peace and order.

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at iba pang kahalintulad na ahensya, ang dapat bigyan ng CIF dahil nakasalalay sa kanila ang kaligtasan, sa panlabas at panloob ng bansa.

Pero ‘yung Department of Agriculture (DA), Department of Information and Communication Technology (DICT), Department of Education (DepEd), Metro Manila Development Authority (MMDA), Office of the Vice President (OVP) at iba pa na wala namang kinalaman sa intelligence gathering, ay bibigyan ng CIF?

Panibagong paraan ba ito ng mga tiwali sa gobyerno para mas mapapadali ang pagbulsa sa pera ng bayan kaysa komisyon sa bawat proyekto ng gobyerno kaya parami nang parami ang naaadik sa pondong ito?

Kung kalahati lang sa mahigit P10 billion na inilalaan sa CIF, ang matitipid ay maraming proyektong magagawa ang gobyerno kada taon na pakikinabangan ng sambayanang Filipino lalo na ang mahihirap.

Maaari itong gamiting panimula sa pagpapatayo ng isang industriya na magbibigay ng trabaho sa mamamayan dahil kung aasa lang ang gobyerno sa ipapasok na mga puhunan ng mga dayuhang negosyante, walang mangyayari.

Mula noon hanggang ngayon, ang daming mga bansa ang nangangako sa pangulo sa kanyang foreign travels, na kesyo maglalagay sila ng puhunan sa Pilipinas pero natapos na ang termino niya ay walang dumating na negosyo.

Kung gagamitin din sa pabahay ang matitipid sa CIF, makapagpapatayo ang gobyerno ng karagdagang 20,000 yunit at kung ang beneficiaries ay may 5 miyembro sa pamilya, nabigyan mo ng silong ang 100,000 katao sa Pinas.

Kapag ginamit naman ‘yan sa pagpapatayo ng karagdagang silid-aralan, makapagpapatayo ang gobyerno ng karagdagang 5,000 silid-aralan kada taon at baka sa maiksing panahon ay maresolba ang backlog sa classroom.

Ang problema ng bansa natin ngayon, walang pakialam ang gobyerno, hindi lang ang halal na mga opisyales, kundi ang appointees. Ang layo-layo nila sa mga tao kaya hindi nila ramdam ang mga nasa ibaba.

47

Related posts

Leave a Comment