BAKIT AYAW IPAKITA ANG SALN NG MGA MAMBABATAS?

KAKAMPI MO ANG BAYAN FINAL

Umaandar ang makina sa Kamara de Represen­tante upang gawing mas mahirap makakuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ang publiko.

Nais nila na ang plenaryo — ang Kongreso mismo —- ang magbobotohan kung ilalabas o hindi ang SALN ng  isang kongresista.

Ang SALN ay nagsasaad ng lahat ng ari-arian at salapi ng mga opisyal ng pamahalaan bawat taon.

Batay rito, makikita kung lumalaki o lumiliit ang ka­yamanan ng mga opisyal ng gobyerno.

Proteksyon ito sa interes ng mamamayan, upang matiyak na hindi pinagsasamantalahan ng mga politiko at opisyales ang pera ng bayan. Kaya naman, kahina-hinala ang resolusyon sa Kamara upang gawing mas mahirap makita ang nilalaman ng SALN ng mga kongresista. Nalalapit na ang eleksyon, at karaniwan, ang SALN ng mga politiko ay magiging laman ng balita at pahayagan. Makikita ng mga botante kung nagpayaman lang sa pwesto ang kanilang mga kinatawan at hinalal.

Bukod pa, lumolobo ang “pork barrel” sa 2019 national budget, na alam nating gatasan ng  mga korap at mapagsamantala. Ito marahil ang dahilan kaya ayaw ipasilip ng iba ang kanilang ari-arian sa taumbayan.

Labag ito sa prinsipyo ng accountability at transpa­rency na nakasaad sa ating mga batas at Konstitusyon. Magiging kublihan ito ng mga korap  na opisyal at politiko.Kaya naman, ang Bayan Muna ay laging isinasapubliko ang SALN ng mga kinatawan nito, upang ma­ging panatag ang mamamayan na tapat na lingkod-bayan ang hinahalal nila sa pwesto.

Ngunit, dahil sa bagong panukala, kailangan pa bang kumuha ng permiso ang Bayan Muna upang ipakita ang SALN nito?

Tinututulan ng Bayan Muna at ng Makabayan bloc ang resolusyon na ito ng Kamara. Nawa ay samahan ninyo kami sa pagtutol sa panukalang ito, na malinaw na laban sa interes ng mamamayan. (KAKAMPI MO ANG BAYAN / CARLOS ISAGANI ZARATE)

8

Related posts

Leave a Comment