DPA ni BERNARD TAGUINOD
ANO bang kapangyarihan meron ang mga rice cartel na hindi kayang buwagin ng gobyerno?
Nagsimula ako sa propesyong ito sa unang bahagi ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos at isyu na noon ang rice cartels na nagmamanipula sa presyo at kumokontrol sa supply ng bigas sa Pilipinas.
Ilang administrasyon na ang pumalit at ilang imbestigasyon na rin ang ginawa ng Kongreso, hindi lamang ng Kamara kundi ng Senado pero bakit hindi pa nabubuwag ang sindikatong ito at wala pa yatang nakukulong.
Marami na ring mga pangalan ang ibinunyag na nasa likod ng cartel at marami na sa kanila ang ipinatawag sa imbestigasyon mula noong panahon ni Tabako, pero may nakulong ba sa kanila? Mukhang wala.
Nakagawa na rin ng mga batas ang Kongreso dahil sa kanilang imbestigasyon pero nabuwag ba ang cartel at rice smugglers? Mukhang lumakas at dumami pa sila kaya tuloy ang kanilang ligaya habang nagdurusa ang mamamayan.
Mukhang walang silbi ang mga batas na ginawa ng Kongreso mula noong panahon ni Tabako, na ang pinakahuli ay Rice Tariffication Law (RTL) na ipinatupad noong 2019 para magkaroon ng sapat na supply at maibaba ang presyo ng bigas.
Naging tulay pa ang batas na ito para makapag-import ang rice importers ng bigas hanggang gusto nila kaya bumaha ng imported rice ang bansa naging dahilan kaya binarat ng rice traders ang ani ng mga magsasaka sa ating Inang Bayan!
Alam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi niya matutupad ang P20 kada kilo ng bigas na ipinangako niya noong nakaraang eleksyon, naging dahilan kaya siya inihalal at naging presidente, kaya ito marahil ang dahilan kaya inilabas niya ang Executive Order (EO) 62.
Mula sa dating 35% na taripa sa bigas o buwis na dapat bayaran ng rice importers, ginawa na lamang ni BBM na 15% sa pag-asang maibaba man lang kahit sa P40 ang kada kilo ng bigas sa ating bansa.
Pero alam niyo ba na mula nang ilabas ang EO na ito noong July 2024, tumaas pa ang rice inflation ng 9.6%? Ibig sabihin lumobo pa ang presyo ng bigas ng 9.6% kumpara noong panahon na wala pa ang EO na ito?
So, sino ang nakinabang? Siyempre ang rice importers at cartel. Hindi nila ibinalik sa mga tao ang natipid nilang buwis na umaabot ng P16.3 billion mula nang ipatupad ang EO na ito hanggang noong Oktubre. Nalugi na ang gobyerno, nahirapan pa ang mga tao.
Mantakin n’yo, nakatipid na sila ng P16.3 billion, tumubo pa sila nang husto sa inangkat nilang bigas kaya naniniwala na ako na hindi para sa mga mahihirap at magsasaka ang ginawang mga batas eh, kundi sa iilan lamang na hindi kayang buwagin.
Hindi ko tuloy masisisi ang mga tao na isipin na may mga kasabwat ang mga cartel ng bigas sa gobyerno at hindi talaga mangyayaring maging supisyente sa supply ng pagkain ang bansa dahil magse-self-destruct sila!
29