NAGKAROON ng balasahan sa hanay ng Bureau of Customs nito lang nakaraang Sabado, pinalitan ni Bienvenido Rubio si Yogi Filemon Ruiz bilang commissioner ng ahensya.
Si Rubio ay dating taga-loob sa BOC at ang pinakahuling posisyon na hinawakan nito ay director ng Port Operations Service of the Assessment and Coordinating Group.
Samantalang si Ruiz ay isang taga-labas o outsider at ang pinakahuling posisyon na hinawakan nito bago naupong commissioner, ay sa PDEA.
Ayon sa ating mga impormante sa loob ng BOC, mataas ang expectations kay Rubio sa pag-upo nito bilang commissioner at nangako naman ito na kanyang ipatutupad ang apat na direktiba ni Pangulong BBM, ang lampasan ang revenue targets, simplehan ang trade facilitation, pigilan ang smuggling, at itaas ang morale ng mga empleyado ng ahensya.
Pero bakit kaya kasama sa direktiba ng pangulo ang pagtataas ng morale sa hanay ng mga empleyado ng ahensya? May problema ba dito noong panahon ni Ruiz?
With all due respect kay Commissioner Ruiz na naupo lamang ng anim na buwan, naging instrumento ito sa releasing ng abandonadong balikbayan boxes na natengga ng halos isang taon sa Port of Manila.
Pero sa ilalim ng pamumuno ni Ruiz ay talamak pa rin ang korapsyon sa ahensya, ayon sa isang mapagkakatiwalaang source. Ito siguro ang dahilan kung bakit nasibak ito sa pwesto.
It remains to be seen kung matutuldukan ba ni Rubio ang smuggling sa BOC sa kanyang pag-upo at ‘yan ang ating aabangan.
