BAKIT KONTRAPELO SA TRADITIONAL MEDICINE?

HINDI ko maiwasang maghinala talaga sa Department of Health (DOH) at maging sa grupo ng mga medical professionals dahil lahat ng mga traditional na gamot ay kinokontra nila.

Tulad nitong tuob o steam inhilation na kinontra ng DOH at mga organisasyon ng mga medical professionals dahil maraming gumagawa nito sa panahon ng pandemya sa COVID-19.

Hindi naman sinasabi ng mga nagtu-tuob na maka­kagamot ito sa COVID-19 pero malaking ginhawa sa mga gumagawa nito para lumuwag ang kanilang paghinga, mapagpawisan ng husto, mawala ang pangangati sa kanilang lalamunan.

Isa sa mga tinamaan ng COVID-19 ay si Department of Interior and Local Government (DILG)  Secretary Eduardo Año at nang gumaling ito ay nai-report sa media na nakatulong sa kanya ang “traditional steam inhaling, pag-inom ng salabat na may calamansi at bawang, pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin na sinabayan ng maraming dasal.

Hindi yun kinontra ng DOH at wala rin tayong narinig sa mga organisasyon ng mga medical professionals pero ­ngayon sa gitna ng tila lumalala pang  problema ng ­COVID-19  at marami ang gumagawa nito, kinokontra nila.

Marami na rin tayong nakitang post sa social media hinggil sa mga Filipino na nagkaroon ng COVID-19 sa ibang bansa na gumaling dahil sa mga traditional medicines tulad ng tuob.
Inalis lang ng mga social media platforms ang mga post ng mga kababayan natin sa ibang bansa na gumaling sa COVID-19 dahil marami ang kumontra at dahil wala daw pag-aaral na nakakagamot ito sa virus.

Ang tanong, bakit hindi gumawa ng pag-aaral ang DOH para malaman kung talagang nakakagamot ang mga traditional medicine o hindi bago nila sabihin na hindi nga nakakatulong ito para magamot ang iba’t ibang sakit?

Gusto kong ibalik tuloy sa DOH ang kanilang sinasabi: ano naman ang batayan nyo na hindi na nakakatulong ang tuob gayung wala naman pala kayong ginawang pag-aaral?

At eto pa, bakit yung mga maintenance medicines na gawa daw sa iba’t ibang halaman na pangontra daw sa sakit na ibinebenta sa mga drug stores at ipino-promote ng mga kilalang personalidad, hindi nyo kinokontra eh “No Approved Therapeutic Claims” dahil na-validate ng Bureau of Food and Drugs (FDA), sige nga!

Desperado ang mga tao ngayon. Marami ang naa-­anxiety dahil wala pang bakuna sa COVID-19 kaya bumabalik sila sa tradisyunal na medisina na ginagawa na ng ating mga ninuno.

Bakit hindi na lang hayaan ang mga bumabalik sa traditional medicine habang hinihintay ang bakuna sa pesteng virus na ito na nagmula sa China imbes na kontrahin ito at takutin pa ang mga tao?

Sa totoo lang hangga’t maaari, maraming tao ang ayaw uminom ng nabibiling gamot dahil aminin man o hindi ng mga medical professional ay may mga side effect ito sa katawan ng mga pasyente.(BERNARD TAGUINOD)

66

Related posts

Leave a Comment