DPA ni BERNARD TAGUINOD
WASAK na ang unity na ibinandera ng Marcos-Duterte tandem noong nakaraang eleksyon pero hindi pa rin lumalakas ang oposisyon na pinangungunahan ng Liberal Party (LP), hindi lamang sa Kamara kundi maging sa local government.
Hindi ito nakapagtataka dahil imbes na magkaisa ang LP lalo na sa Kongreso dahil kokonti na lamang sila, ay watak-watak na sila at kanya-kanyang lakad kaya kung baga wala silang tatag na sinasamantala naman ng mga nasa kapangyarihan.
Noong nakaraang eleksyon, 10 ang ipinanalo ng LP sa Kongreso, 6 na vice governor at 25 ang board member. Wala nga lang silang naipanalo kahit isang upuan sa Senado at walang governor.
Pagkatapos maipanalo ng partido ang 10 congressmen, lumipat ang dalawa nilang miyembro sa ibang partido na kinabibilangan nina Negros Oriental Rep. Josie Limkaichong at Makati Rep. Kid Peña.
Sumali naman sa majority bloc sina Marikina Rep. Stella Quimbo, Muntinlupa Rep. Jimmy Fresnedi, Zamboanga Rep. Adrian Amatong, Oriental Mindoro Rep. Boy Umali, at Capiz Rep. Tawi Billones.
Tanging sina Camarines Norte Rep. Gabby Bordado at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang pumunta sa minority bloc habang ang pangulo ng partido na si Albay Rep. Edcel Lagman ay independent opposition sa Kamara.
Malakas na boses na sana ang 10 miyembro ng LP sa Kamara pero dahil hindi sila nagkakaisa ay nasasapawan sila ng 3 Makabayan bloc congressmen sa ingay sa Kongreso, pagdating sa panunuri sa maling mga ginagawa ng administrasyong Marcos-Duterte.
Sa totoo lang, maliban sa Lakas-CMD at Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay oposisyon din dapat ang Nationalist Party (NP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC) at Party-list Coalition at PDP-Laban.
Kung tutuusin kapag nagsama-sama ang mga ito ay mas malaki ang kanilang puwersa kumpara sa Lakas-CMD at PFP at puwede silang pamunuan ang Kongreso at hindi magiging puppet ng Malacañang.
Pero hindi nagagampanan ng mga ito ang kanilang pagiging oposisyon dahil pagkatapos ng eleksyon ay sumasama sila sa administrasyon kapalit ng malalaking posisyon sa Kongreso tulad ng mga committee chairmanship.
‘Yan ang pangit sa multi-party system sa Pilipinas, dahil hindi mo alam kung may oposisyon pa nga ba sa Pilipinas na mula sa political parties o wala na talaga at ang umiiral ay pansariling interes ng mga partido at mga pulitiko.
‘Yan din ang dahilan kung bakit hindi nagkakaroon ng makatotohanang check and balance sa gobyerno kaya ang corruption ay nagpapatuloy kahit anong ingay pa ng mga tao sa pagkondena sa nakawan sa kaban ng bayan. Haayyyyy, Pinas!
148