BAKIT MAY PAAYUDA PA KUNG 64 PESOS LANG SOLB KA NA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KAPAG pala may P64.00 ka para sa tatlong beses na pagkain sa isang araw, hindi ka na mahirap.

Kung gayun, dami nang hindi poor sa Pilipinas.

Mang Juan, magkano ang nagagastos n’yo sa pagkain kada araw? Ayon kasi sa datos ng National Economic and Development Authority (NEDA), hindi maituturing na food poor ang isang tao kung gumagastos ito ng higit sa P64 sa pagkain kada araw. Kailangan pala sobra sa P21.33 ang budget kada mon-la nang hindi ituring na food poor.

Ayan, P64 kada araw ang ginamit na threshold ng NEDA para uriin sino ang mga food-poor.

Pinarerepaso ng mga senador sa NEDA ang threshold nito upang matiyak na tumpak ang pagtataya ng kahirapan.

Bilang sagot sa tanong ni Senator Nancy Binay sa ginanap na budget briefing, binanggit ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na noong 2023, ang kada buwang food threshold ng isang pamilya na may limang miyembro ay P9,581, o P64 kada tao kada araw. Ang isang taong gumagastos nang bahagya kaysa halagang iyon ay hindi na itinuturing na “food poor.

Paliwanag ni Balisacan sa mga mambabatas na ang numero ay inakma sa inflation. Naniniwala rin si Balisacan sa muling pagbisita sa food basket sapagkat maaaring nagbago ang kagustuhan sa pagkain at presyo ng mga bilihin.

Inamin ni Balisacan na ang numero ay wala na sa panahon, ngunit hindi umano NEDA ang nagdedetermina ng basket. Aniya, ang computation para sa basket ay mula sa inirekomendang pagkain mula sa Department of Health at ng Food and Nutrition Research Institute. Ang NEDA ay nagbibigay lang ng numero.

Giit din ng hepe ng NEDA, hindi binabago ang threshold para masubaybayan nang maayos kung may epekto ang mga programa ng gobyerno sa kahirapan.
Marami ang umalma, kumontra at sumopla, sa food poor threshold na pahayag ng NEDA.

Ayon sa National Nutrition Council, hindi sasapat ang P21.30 per meal para makakuha ng sapat na nutrisyon sa pagkain. Lipas na rin sa panahon ang ginamit na food basket ng NEDA kaya hindi nakonsidera ang pagtaas ng bilihin.

Hinahamon naman ng mga magsasaka si Balisacan at iba pang economic managers na subukang mabuhay na mayroon lamang P64 para sa pagkain sa loob ng isang araw.

Sinabi ni Danilo Ramos, lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang food poor threshold ng NEDA ay insulto sa mga magsasaka, mangingisda at sa mga Pilipino na nagpapakahirap sa trabaho para mapakain ang kanilang pamilya.

Teka, hindi na pala mahirap ang gumagastos ng sobra sa P21.33 kada tsibog, eh bakit kabi-kabila pa rin ang pamumudmod ng gobyerno ng ayuda?

Huwag na ring umasa ng dagdag-suweldo dahil sapat na ang P64 para sa pagkain kada araw.

Ay naku, si Chiz ay tinaasan ng kilay dahil sa bawas-holiday, si Arsenio naman ngayon ay binabakbakan dahil sa food poor threshold.

Pareho kasing walang alam sa nararanasan at kalagayan ng mahihirap. Lalong kinakawawa ang mga pobre.

Matindi rin si Arsenio. Nung panahon ni Marcos Sr. puwede ang P64. Eh si JR. na ang nasa trono ngayon.

80

Related posts

Leave a Comment