BAKUNA MUNA BAGO F2F

WALANG masama sa isinusulong na pagbabalik ng face-to-face classes sa mas maraming paaralan sa pagpasok ng taong 2022.

Gayunpaman, higit na kailangan munang tiyaking ligtas ang pagbabalik sa klase ng mga mag-aaral, bagay na maisasakatuparan lamang kung ang lahat ng mga makikilahok ay mayroong proteksyong makukuha lamang sa bakuna kontra COVID-19.

Ang siste, hindi pa nga halos nahahagip ng pamahalaan ang target na bilang sa pagbabakuna ng kabataan, pero heto ang Department of Education (DepEd) na tila atat na atat sa pagbabalik ng in-person classes kesehodang malagay sa peligro ang mga bata sa eskwela.

Hindi rin yata batid ng DepEd na hindi sasapat ang mga classroom para sa milyon-milyong estudyanteng magbabalik-eskwela sa umiiral na panuntunan sa distansya ng mga mag-aaral habang nagkaklase.

Hindi rin kasama sa pagbabalik klase ang contingency measures sakaling may isang tamaan ng COVID-19, bagay na ­posibleng magdulot ng hawaan at pagkalat ng karamdaman.

Wala rin naman kakayahan ang mga pampublikong paaralan na magtalaga ng isang stand-by medical team sa loob ng pasilidad.

Maging ang facemask na kailangan ng mga estudyante hindi rin naman kasama sa supply ng pamahalaang pinamumunuan ng mga pulitikong abala na ngayon sa nalalapit na halalan.

Asan ang garantiya ng ligtas na ­pagbabalik klase ng mag-aaral? Ang sagot–WALA!

Sa puntong ito, hindi kaya mas marapat munang pag-aralan at paghandaan ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa mga paaralan?

Ang amin lang naman, kaligtasan ng mga kabataang minsang inilarawan ng pambansang bayaning si Gat Jose Rizal, na pag-asa ng bayan.

3

Related posts

Leave a Comment