BALASAHAN NAKAAMBA SA AFP

MALAKI raw ang posibilidad na magkaroon ng malawakang rigodon sa loob ng Armed Forces of the Philippines dahil sa hindi pa rin nagtatalaga si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng permanenteng Philippine Army command­ing general.

Mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana nga ay nagsabing wala pang napipisil si Pangulong Duterte para sa posisyon ng Army chief na nanatiling hawak ni Chief of Staff Armed Forces of the Philippines, Lt. General Andres Centino.

Itinalaga ni ­Duterte si Philippine Army ­Commanding General Lt. Gen. Andres C. Centino, miyembro ng Philippine Military Academy “Maringal” Class of 1988 bilang ika-57 chief of staff ng AFP noong Agosto 12, 2021 kahalili ng nagretirong si General Jose Faustino Jr.

Subalit hanggang sa kasa­lukuyan ay dalawang pwesto ang ino-occupy ni Gen. Centino; bilang CSAFP at CGPA.

Kamakalawa, nagtalaga ng officer-in-charge ang AFP sa Northern Luzon Command para punan ang mababakanteng puwesto ni Lt. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos na opisyal na ­nagretiro sa serbisyo matapos nitong abutin ang mandatory retirement age.

Si Lt. Gen. Burgos na mistah ni CSAFP ay pina­litan ni NOLCOM Deputy Commander BGen. Andrew D. Costelo. Si BGen. Cos­telo ay dating 703rd Infantry Brigade commander bago itinalagang Deputy Commander ng NOLCOM.

Pinangunahan at nagsilbing panauhing ­pandangal si CSAFP sa ginanap na turn-over ceremony sa Camp Servillano Aquino sa lalawigan ng Tarlac.

Inaabangan na ang iba pang pwestong maaaring gumalaw sa susunod na mga araw.

(Si Jesse Kabel ay news correspondent ng SAKSI Ngayon na araw-araw naghahatid ng mga balita mula sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.)

3

Related posts

Leave a Comment