Ang sakuna ay walang pinipili, mabuti ka man o masama. Nang tumama ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng sibilisasyon, ang buong daigdig ay nanonood sa telebisyon, sa internet, blockbuster ika nga, at ang entabladong napili ng supertyphoon Haiyan, na tinawag nating Yolanda, ay ang Tacloban City.
Ang sabi ng pamahalaan noon, handang-handa na ang bansa sa pagdating ng supertyphoon, ngunit nagkamali ito, noong libo-libo na ang nangangamatay, ang sabi ng pamahalaan isa lamang eksaherasyon ang mga ulat dahil sa bilang nito ay nasa ilang daang tao ang namatay at hindi libo-libo. Nang sumampa na sa limang libo ang bilang ng mga nangangamatay ang sabi ng pamahalaan wala pang dalawang libo. Ngunit ngayong pang-isang taong anibersaryo na ng trahedyang iyon, napag-alaman natin na mahigit sa 7,350 katao ang namatay sa lupit ng bagyong Yolanda.
Marami ang agad nagbigay ng iba’t ibang klaseng tulong sa mga biktima, samantalang ang mga bangkay ay nagkalat sa mga lansangan ng Tacloban, ayon kay CNN foreign correspondent Andrew Stevens, ay makailang araw na ay wala pa ding nag-aasikaso. Makaraan ang ilang bilyong pisong nagmula sa iba’t ibang bansa, at ilang bilyong pisong pondo na nailaan ng gobyerno para sa mga biktima, ay nanatiling libo-libong pamilya pa din ang pawang mga nakatira sa mga tent at bunkhouses.
Matindi pang sakuna na tumama sa mga biktima ay ang kabagalan, incompetence, politika at korapsyon sa paghahatid ng mga tulong sa mga biktima. Ilang container ng mga damit na donasyon ay hindi ipinamahagi, bagkus ay isinubasta ng pamahalaan. Ilang container ng mga bigas na matagal ng nasa mga daungan ay hindi ipinamahagi at pinabubulok sa warehouses. Ang mga donasyon ay ni-require pa ng pamahalaan na pagbayarin ng buwis at magbayad sa demurahe. Ang mga second-hand na damit ay ipinagbawal na ipamahagi sa mga benepisaryo bagkus ay ibinenta pa ng gobyerno sa mga negosyante. Ipinagbawal na maipasuot sa mga kapus-palad na mga benepisaryo ngunit pinahintulutang maisuot ng mga mamimili.
Dahil sa hagupit ni Yolanda lumantad ang sakit ng ating lipunan. Mabagal o wala ang pagtulong dahil sa politika. Malabnaw o walang tulong dahil sa korapsyon. Kakapiranggot o walang tulong dahil sa pagmamataas.
Hanggang ngayon ay wala pang tumatalo sa blockbuster na ito na pinanuod ng buong daigdig. Nasaan na ang mga donasyon? Ano ang nangyari at hindi umusad ang buhay ng mga sinakmal ng trahedya? May mga bilyon-bilyong pisong itinabi ng pamahalaan para sa mga biktima ng Yolanda at bilyon-bilyong piso din mula sa iba’t ibang bansa ngunit marami ang naniniwalang nauwi lamang sa wala ang lahat ng ito dahil sa politika, korapsyon at pagmamataas. (FOR THE FLAG / Ed Cordevilla)
418