BAND AID SOLUTION

KAPAG malalim at malala na ang sugat o sakit, ang solusyon para ito ay maghilom at magamot ay ang band aid? Temporaryo at hindi pangmatagalan gamot ang inilalarawan nito. Pansamantala.

Dito sa panandaliang ginhawa laging sumasandig ang pamahalaan sa pagtugon sa kanser na problema ng bansa.

Ito ang isa pang halimbawa:

Plano ng gobyerno na magtatag ng nationwide food stamp program sa pakikipagtulungan ng Asian Development Bank (ADB). Ang programa, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay kabilang sa mga hanay ng mga proyekto ng gobyerno sa pipeline kasama ang regional bank. Ito ay para sa pinakamahihirap na Pilipino sa buong bansa. Nauna nang iminungkahi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian bilang tugon sa isang survey na 3 milyong pamilyang Pilipino ang nakararanas ng gutom.

Matagal na itong ginagawa sa bansa kaya ikinagulat ng Pangulo na wala pang ganitong programa sa Pilipinas.

Malaking tulong aniya ang food stamp program sakaling maipatupad ito dahil maraming mahihirap ang makikinabang at matutulungan ng programa.

Sa ibang bansa, partikular sa Estados Unidos, ang food stamp ay ang coupon na binibigay ng pamahalaan sa may mababang kinikita para ipagpalit o ibili ng pagkain sa mga otorisadong tindahan.

Epektibo ito sa ilang bansa, ngunit sa Pilipinas na iba ang sistema at mekanismo ng pagpapatupad, ito ay maaaring sumablay at maging dahilan ng pagkakahati muli ng mamamayan.

Plano pa lang kaya matagal pang maipatupad at kung mangyari man ay malamang na panandalian lang.

Ang P1K ayuda nga na matagal nang ipinangako ay hindi pa rin sumasayad sa palad ng mga target na benepisyaryo.

Nangako muli ang DSWD na bibilisan ang pagpapalabas ng cash assistance na P500 kada buwan upang matulungan ang mga benepisaryo na makaagapay sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Matagal nang tumaas at patuloy pa ring tumataas ang mga bilihin ngunit makupad ang pagdating ng ayudang kapiranggot kaya sa halip na makaagapay ang mahihirap sa inflation, sila ay lupaypay na dumating man ang “konting awa”.

Kaya bago dumating ang food stamp, malamang doble na ang bilang ng nakararanas ng gutom.

20

Related posts

Leave a Comment