BANDALISMO SA MAYNILA

SIDEBAR

OPERASYON-PINTA o O-P ang terminong ginagamit ng mga aktibista sa pagpipintura ng mga islogan sa mga pader na gamit ang kulay pulang pintura bilang simbolo ng militansiya ng mga kabataan na nagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka.

Operasyon-Dikit naman o O-D ang tawag ng mga aktibista sa pagdidikit ng mga poster na kadalasan ay mag islogan ding isinulat sa pinturang pula sa mga lumang dyaryo at idinidikit sa mga poste at pader gamit ang nilutong gawgaw at ispongha.

Bahagi ng gawain ng mga aktibista ang O-P at O-D pero kahit pa sabihin nilang bahagi ito ng gawaing propaganda ay bandalismo pa rin ito sa mata ng mamamayan lalo na sa pananaw ng mga lokal na pamahalaan.

Kaya nga ganoon na lang ang galit ni Mayor Isko Moreno nang makita ang mga O-P sa pader ng Lagusnilad sa harap ng City Hall lalo pa’t bagong pintura pa lamang ang naturang lugar bilang bahagi ng beautification campaign ng lungsod.

Kung bakit ba naman kasi pinipili pa ng mga grupo gaya ng Panday Sining na mag-O-P sa mga lugar na bagong pintura at sila pa ang nangangatwiran na mas mahalaga ang mga isyung kanilang ipinipinta sa mga lugar gaya ng Lagusnilad.

Ito ang paliwanag ng grupong Panday Sining sa kanilang bandalismo: “To the public: Sorry for the inconvenience, but the matter and issues at hand are urgent. Left and right, ordinary people are being killed or jailed for criticizing this corrupt and fascist government. The space for peaceful and democratic speech is already being compromised by the regime as it pushes to criminalize dissent […] Repression is rampant amid worsening poverty, joblessness, and hunger brought about by the Duterte regime’s adherence to foreign, big businesses, and landlord interests.”

Makikita sa kanilang pahayag ang mga isyu na hindi lang sila ang nagdadala kundi ang ilan ding mga mga militanteng grupo na nabibilang sa pambansa-demokratikong bloke kung saan nagsisilbing umbrella organization ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Pero ang hindi katanggap-tanggap sa kanilang pahayag ay ang sinasabing kawalan ng espasyo para sa mapayapa at demokratikong pagpapahayag.

Masasabing millennials ang bulto ng miyembro ng Panday Sining at bilang millennials ay sanay silang gumamit ng Social Media para ipalaganap ang kanilang organisasyon at mga prinsipyo nito at kung naniniwala sila sa kawastuhan ng kanilang mga ipinaglalaban, walang dahilan kung bakit hindi sila makakakuha ng maraming “likes” at “shares” sa kanilang “posts.”

Hindi puwedeng maikonsidera ang O-P bilang sining dahil islogan lang ‘yon. Mas mainam pa siguro kung kina­usap ng Panday Sining si Mayor Isko at nag-volunteer na gumawa ng magandang mural painting sa ilang bahagi ng Maynila kung saan puwede nilang ilabas sa mga mural ang kanilang mga isyu. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

150

Related posts

Leave a Comment