BANTAG ‘PERSON OF INTEREST’ NA SA PERCY LAPID SLAY

PUNA Ni JOEL AMONGO

KASAMA na sa 159 ‘persons of interest’ si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief, Director General Gerald Bantag sa kasong pagpatay kay Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Nasa 160 personalidad, kabilang na ang suspendidong si Bantag, ang masusing iniimbestigahan hinggil sa pagpaslang kay Percy noong Oktubre 3, 2022 sa Las Piñas City.

Sa isang press conference na ginanap, hayagang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief, General Rodolfo Azurin, Jr., na kasama si Bantag sa “persons of interest” sa kasong pagpatay kay Percy.

Isa si Bantag na pasok sa kanilang kinakitaan ng motibo, kasama ang iba pang nasa talaan ng mga personalidad na binatikos ni Percy sa 600 yugto ng kanyang programang “Lapid Fire”.

“‘Yung nabanggit ko na out of the 160 na mga personalities doon na mga nakasama doon sa issues sa programa ni Sir Percy Lapid, ay lahat po “yun person of interest,” pahayag pa ni Azurin.

Sa ganang akin, mas pabor ako na tutukan na lamang ng mga nag-iimbestiga sa kasong pagpatay sa ating kasamahan na si Percy, ang mga “person of interest”.

Lalo na sa BuCor, itinuro kasi ni Joel Escorial, ang suspek sa pagbaril kay Percy, na ang nag-utos sa kanya ay si Crisanto Villamor, Jr. o Jun Globa Villamor.

Bago ang pagpatay kay Lapid, umikot ang usapan sa BuCor na kung saan nakakulong si Villamor.

Makalipas ang ilang oras pagkatapos ng press conference ni Department of The Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos noong Oktubre 18, 2022 sa Camp Crame, Quezon City, ay idineklarang namatay sa NBP Hospital si Villamor na sinasabing “middleman” sa krimen.

Lumabas pa sa autopsy report ng NBP Hospital na nahirapang huminga si Villamor na siyang ikinamatay nito.

Sa deklarasyon na ito ay marami ang nagduda at hindi naniwala na walang “foul play” sa pagkamatay ni Villamor.

Maging si Roy Mabasa, ­kapatid ni Percy, ay hindi ­kumbinsido sa inilabas na autopsy report kaya nais niya ng pangalawang autopsy sa kanyang kapatid.

Marami rin ang nagdududa sa sinasabing may pangalawang “middleman” na hawak ngayon ng mga awtoridad.

Ang “utak o mastermind” ng pagpatay kay Percy ay hindi ganu’n kabobo para kumausap ng maraming tao para maghanap ng papatay sa biktima.

Kaya ang sinasabing ikalawang “middleman”, walang kredibilidad ‘yan.

Mas makabubuting dikdikin n’yo si Bantag, nasa ilalim ng responsibilidad niya si Villamor na namatay pagkatapos lumutang si Escorial.

Mas maraming maniniwala na maaaring maresolba at ­mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Percy.

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

50

Related posts

Leave a Comment