BANTAYAN ANG ATING BOTO

NGAYONG araw ang isa sa pinakamakasaysayang halalan sa ating bansa na inaabangan ng lahat ng sambayanang Pilipino at sa buong mundo na ­maging mga foreign media ay nakatutok kung sino ang mapalad na mapusuan bilang maging lider at ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Tayong lahat ay iisa ang panalangin sa ating panginoon na may likha ng katauhan sa mundo, ito ay ang maging ligtas ang ating mga mahal sa buhay at mabigyan ng magandang kinabukasan. Nasa panahon pa tayo ngayon ng matinding krisis dahil sa pagbagsak ng ekonomiya mula pa nang magsimula ang pandemya na nagresulta ng kawalan ng hanapbuhay at pagkawala ng isang kaibigan at miyembro ng pamilya dahil sa ilan na pumanaw dahil sa COVID-19 virus.

Masakit man pero kailangan nating tanggapin na ang kahapon ay isa na lamang alaala at ang bukas ay kailangan nating harapin upang magpatuloy ang buhay. Bagama’t lahat ng ­presyo ng pangunahing bilihin ay nagtataasan na at ‘di abot kaya sa bulsa ng maraming pamilya. Sa bawat hakbang ng ating mga paa palabas ng ating tahanan kada araw ay dapat mayroon tayong gabay na makatutulong sa atin upang gumawa ng mabuti sa ­ating kapwa upang tayo ay biyayaan.

Sa tuwing halalan ay makaririnig tayo ng iba’t ibang matatamis na pangako ng bawat kandidato gayundin ang propaganda ng ilan upang siraan ang kanilang mga kalaban sa pulitika at masungkit ang botong bawat botante. Lahat ng tumatakbo sa matataas na posisyon sa ating gobyerno ay alam nating nakapag­tapos ng mataas na kurso sa kolehiyo, ngunit tila ilan sa mga ito ay nakalimutan na ang itinuro ng ating mga guro na ang paninira sa ­ating kapwa ay hindi kailanman mabuti kaya’t maging mapanuri dahil ang bawat boto natin ay nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa.

Minsan nang naging ­mitsa ng kahirapan ang isang malaking pagkakamali sa kasaysayan na nangyari sa ating bansa noong 1986 na sa huli ay nagdulot ng pagsisisi sa atin at ­pagdanak ng dugo ng marami nating mga kababayang magsasaka na walang awang minasaker sa Mendiola at mga kawal na nagbuwis ng kanilang buhay upang mabawi ang pamahalaan na lalong nagpabagsak sa ekonomiya at naging ugat upang lumakas ang puwersa ng mga rebeldeng grupo.

Tandaan na ang bawat pisong ginagastos ng isang kandidato sa mga black propaganda na pinakakawalan nito laban sa kanyang katunggali sa pulitika ay higit pa ang bawi nito sakaling ito ay manalo sa maruming pamamaraan ng pulitika na maaaring magpahamak sa kinabukasan ng ating mga mahal sa buhay. Sa tulong ng social media ay ­maging mata ang lahat sa may maruming balak na muling manakaw ang ating karapatan sa pagpili ng tunay at karapat-dapat na mamuno sa ating bansa.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

99

Related posts

Leave a Comment