BANTAYAN NA KASI

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

PANAHON pa ni kopong-kopong nang buksan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga secondary road sa Metro Manila para sa Christmas lane upang maibsan ang trapik sa pangunahing mga lansangan tulad ng EDSA.

May mga pagkakataon din na ang Christmas lane ay pinapagana kahit hindi panahon ng holiday kapag malala na ang problema sa trapik upang mabawasan ang mga sasakyan sa mga regular na ruta.

Mas aktibo ang MMDA na maglinis sa mga Christmas lane kapag nalalapit na ang Pasko dahil dumarami ang mga sasakyan sa mga lansangan sa Metro Manila kahit sabihin pang naghihirap pa ang bansa dahil sa pandemya.

Sa ganitong operasyon, hindi biro ang gastos ng MMDA sa paglilinis at paghatak ng mga sasakyan na nakahambalang sa mga secondary road na alternatibong daan ng mga motorista.

Kahit pa sabihin ng MMDA na mga sarili nilang mga tauhan ang ginagamit sa operasyon ay siguradong malaki ang gastos d’yan na siyempre mula sa buwis ng taumbayan.

Hindi kaya para mabawasan ang gastos sa ganitong mga operasyon, dapat bantayan na ng MMDA ang mga secondary road tulad ng ­pagbabantay nila sa mga pangunahing lansangan?

Baka mas mura ang magagastos kapag naglagay ng traffic enforcers sa mga Christmas lane dahil aminin na natin, ang titigas ng mukha ng marami sa ating mga kababayan.

Saka aalisin ang mga sasakyan, paninda at kung ano-ano pang ­gamit nila sa mga kalsada kapag alam nilang nag-o-operate na ang ­clearing operatives ng MMDA at kapag nawala na ang operatiba, balik na sila sa dating gawi.

Kultura na yata ng mga Pinoy na walang pakialam sa batas dahil nasa sariling bansa naman sila. Saka lang sila susunod sa batas kapag nasa ibang bansa sila. Ibig sabihin kulang talaga tayo sa disiplina.

Kaya ang solusyon siguro na dapat gawin ng MMDA ay maglagay ng mga tao sa mga Christmas lane at hindi lang sa panahon ng Pasko ha, dapat sa lahat ng pagkakataon dahil kailangan ang mga alternatibong daan dahil lumalala ang problema sa trapiko.

Wala akong nakikitang mga traffic enforcer sa mga Christmas lane. Saka mo lang sila makikita kapag may operasyon sila kaya walang bantay at ika nga ng kasabihan, naglalaro ang mga daga kapag wala ang pusa.

Ang daming traffic enforcer ng MMDA at Local Government Units (LGUs) ang nasa mga pangunahing lansangan na ang trabaho yata ay nagbantay ng lalabag sa batas trapiko dahil saka lang sila susulpot mula sa pinagtataguan kapag may motoristang lumabag na sa batas.

Sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, ang dami kang makikitang traffic enforcer na nasa ilalim ng MRT7 at karamihan sa kanila ay nakatutok sa kanilang cellphone…baka nakikipag-chat.

Hindi naman kailangang magkumpulan sila sa isang lugar lang, subukan mong ikalat ang mga ‘yan lalo na sa mga Christmas lane, baka sakaling kapag nakakita ng awtoridad ang mga makakapal ang mukha ay mahiyang magparada ng sasakyan, maglagay ng paninda at iba pang gamit sa kalsada. Subukan lang dahil ang dami niyo rin namang sinubukang programa para maibsan ang trapik pero wala rin namang nangyari, eh.

41

Related posts

Leave a Comment