BARIL KONTRA SUNOG

0

GANAP nang nilagdaan ni Pangulong ­Rodrigo Duterte ang BFP Modernization Act na inaasahang magbibigay daan para sa mas mainam na hukbong pamatay sunog.

Pero teka, parang may hindi angkop sa nasabing batas. Dangan naman kasi, nakapagtatakang bahagi ng BFP Modernization Act ang pag-aarmas sa magigiting na bumbero. Ano kinalaman ng baril sa natutupok na bahay o establisimyento?

Ang pangunahing trabaho ng bumbero ay puksain ang mapaminsalang apoy na tumu­tupok sa ari-arian at ano pang nasa landas nito.

Karaniwang gamit ng mga bumbero ay tubig na isinasaboy sa naglalagablab na bahay, gusali o iba pang nagliliyab – hindi batuta, bolo, pana, tirador o baril na tulad ng nakasaad sa batas na nilagdaan ng Pangulo.

Bakit mo bibigyan ng baril ang mga bumbero kung sunog ang kalaban nila? Apoy ang ibinu­buga ng baril. Marapat bang asintahin ng apoy ang kapwa apoy sa hangaring puksain ito? Ang sagot – HINDI.

Pero katwiran ng Pangulo, dapat lang silang armasan dahil isinusugal din aniya ng mga bumbero ang kanilang buhay sa tuwing sila’y kakailanganing magresponde sa tawag ng tungkulin.

Sa isang banda, tama rin naman ito lalo na kung ang gobyerno ay nakakompromiso sa ­supplier na komisyon ang pangako sa sandakot na dorobo. Hindi rin naman birong halaga ang pasok sa indulto. Tumataginting na P80M lang naman ang pambili ng mga armas na malamang ay gawa lang ng mga Tsino.

Bakit baril ang inuna ng gobyerno para sa BFP na kapos sa bumbero? Mas mainam siguro kung ang perang pambili nito, gamitin na lamang pagdagdag sa pwersang pamatay sunog, lalo pa’t ang bilang ng ating mga bumbero, kalahati lang ng angkop na bilang na rekomendado.

Sa datos ng BFP, mayroon lamang silang 30,811 kawani. Malayo ito sa 55,270 na kailangan ng nasabing sangay para tiyakin ang serbisyo sa hindi bababa sa 109-milyong populasyon sa bansa.

Kung sinsero ang gobyerno sa ­hangaring itaas ang antas ng serbisyo ng sangay ng pamatay sunog, hindi baril ang sagot kundi karagdagang kawaning sasanayin para maging pinakamahusay na bumbero sa buong mundo.

Idagdag mo rito ang makabagong kagamitan at mga kasuotang magbibigay proteksyon sa kanila sa tuwing sila’y sasabak kontra sa lagablab ng apoy.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment