BATAS PARA SA LAHAT

HINDI sapat ang katagang sukdulan para ilarawan ang pagiging ­iresponsable ng instant celebrity na si Gwyneth Chua bunsod ng kanyang paglabas sa isang itinalagang ­quarantine facility para lamang dumalo sa isang pagtitipon kung saan siya diumano’y nakahawa pa ng iba.

Ang totoo, hindi si Gwyneth ang unang taong lumabag sa mga panuntunang inilatag ng pamahalaan bilang pag-iingat sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya.

Kung babalikan ang nakaraan, ­umani ng batikos ang mga kilalang taong gobyerno dahil sa kanilang paglabag sa mahigpit na pagbabawal (tulad ng pagtitipon, paglabas habang hinihintay ang resulta ng COVID-19 test, atbp.) batay na rin sa mga probisyon sa ilalim ng protocols na kalakip ng iba’t ibang antas ng community quarantines.

Kabilang sa mga bulilyasong opisyal ng pamahalaan sa kasagsagan ng pandemya sina Senador Aquilino Pimentel III, dating OWWA deputy administrator Mocha Uson, dating NCRPO chief Gen. Debold Sinas at iba pang mistulang nabaon sa limot.

Tama lang din namang panagutin si Gwyneth, kanyang mga kunsintidor na magulang at mga taong pinaniniwalaang sangkot at isinangkalan sa kalakarang posibleng matagal nang umiiral sa quarantine facilities.

Kung kakasuhin si Gwyneth at iba pang hindi hamak na ordinaryong tao lamang, dapat lang din namang ­hukayin mula sa pagkakabaon sa limot ang katampalasan nina Pimentel, Uson at Sinas.
Hindi biro ang kanilang mga nagawang pagkakamali – ang ilagay sa peligro ang buhay ng iba.

Ang tanong – para sa lahat ba ang batas?

Ang sagot – next question please.

164

Related posts

Leave a Comment