BATAS VS TEENAGE PREGNANCY INIHAIN SA KONGRESO

FORWARD NOW

Inihain na natin ang House Bill 5516 o Prevention of Adolescent Pregnancy Act sa pagbubukas ng 18th Congress na may layu­ning mapigilan ang maagang pagbubuntis ng mga menor de edad.

Nilalayon din nito na magkaroon ng komprehensibo at naaangkop sa edad na pagtuturo ng sex education para sa mga kabataang Filipino upang maiwasan pa rin ang maagang pagdadalantao.

Mayroong 9.7 milyong kababaihan na may edad 10 hanggang 19 kung saan pagsapit ng 19 anyos, isa sa lima sa kanila ay nagiging ina. Ito ay base mismo sa pag-aaral ng United Nations Population Fund.

Dahil sa kawalan at kakulangan sa edukasyon, impormasyon at pangangalaga sa kalusugan, nangyayari ang maagang pagbubuntis at laganap ito sa lipunan.

Naniniwala tayo na mahalagang maibalik ang pagtuturo ng sex education sa mga mag-aaral sa sekondarya para magabayan sila sa bawat hakbang na kanilang tinatahak. Gayundin, sa paggawa ng mga desisyon sa kani-kanilang buhay. Hangad natin na mabigyan ng sapat na kaa­laman ang mga estudyante na nasa hustong gulang kung ano ang tama at mali, kumilos nang naaayon at kung paano tumanggi sa posibleng pang-aabuso ng mga taong mapagsamantala.

Ang impormasyon tungkol dito ay dapat magsimula sa loob ng bawat tahanan bago ipagpatuloy sa mga paaralan para sa mga mag-aaral na karaniwang nalalantad sa maseselan at sensitibong karanasan tungkol sa pagtatalik.

Ito ay dahil ang ating mga magulang ang dapat na unang nakaaalam kung kaya nang maintindihan ng kanilang mga anak ang usapin tungkol sa isyung ito. Dapat ding matiyak ng mga magulang na tama ang mga ibinabahagi nilang mga kaalaman sa mga bata.

Ang sex education ay tumatalakay tungkol sa sekswalidad ng tao kabilang ang kalusugan, relasyon, pakiramdam, responsibilidad, bahagi ng katawan, sexual reproduction, sexual activity, age of consent, reproductive rights, birth control at pagpipigil sa pagtatalik.

Bukod sa maagang pagbubuntis, mahalaga ring maituro sa mga kabataan ngayon kung paano makaiiwas sa mga nakahahawang sakit dala ng pagtatalik na hindi ligtas. Ito ay ang mga sakit tulad ng AIDS (Acquired Immuno­deficiency Syndrome) na dala ng HIV (Human Immunodeficiency Virus) na nakukuha sa pakikipagtalik.

Nakapaloob ang lahat ng usaping ito sa isinusulong nating batas para maiwasan ang anumang problema o kapahamakan sa mga kabataan dahil sa kakulangan at kawalan ng kaalaman tungkol sa sex education.

Kailangang magabayan nang maayos ang mga kabataan natin sa tamang landas para sa katuparan ng kanilang mga pangarap.  (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

284

Related posts

Leave a Comment