Itong pagpasok ng 2019 maraming naka-post sa FB tungkol sa “Ten-year Challenge.” Tila naging bandwagon ito at marami sa mga kaibigan ko ang naglathala ng kanya-kanya nilang challenge kuno. Nakakatuwa rin namang basahin o pagmasdan ang mga ito.
Ngunit ang sadyang nagpatawa sa akin at pumukaw ng aking atensyon ay ‘yung isang meme tungkol sa pagbabayad ng utang. Sabi sa post, “daming nauusong challenge ah?! Wala bang magsisimula ng bayad-utang challenge?”
Sobrang naramdaman ko ang damdamin ng nag-post ng meme na ito. Marahil gaya ko at ng marami pa sa atin, nakaranas din siya na nu’ng nilapitan siya ng ilang tao para humiram ng ilang halaga ay naantig ang loob niya kaya’t pinagbigyan ang nakikiusap. At gaya rin sa sinapit ng iba siguro, noong panahon na ng bayaran ay marahil ‘di na nagparamdam ang nangakong magbabayad, o ‘di kaya naman ay sumama pa ang loob ng mismong may pananagutan nu’ng hinihingi na ang kanyang obligasyon.
Sa halip na magalit din agad sa ganitong reaksyon ng mga sinisingil na nang-aaway pa, makakatulong siguro na maunawaan ang kanilang ikinikilos sa mas malawak na perpektibo. Malamang sa hindi, nakakaranas ng mataas na level ng stress at pag-aalala ang mga taong maraming kompromisong utang kaya marahil sa halip na mas maging rasonable at makipag-usap ng maayos, nauuna sa kanila ang depensahan ang sarili sa hiya dahil hindi natupad ang pangako kasabay na rin sa pagnanais pagtakpan ang pagkaawa at frustration sa sarili dahil nalagay sila sa sitwasyong wala naman silang magawa.
‘Yung iba naman, kaysa lalong mapahiya, magtatago na lang muna kaysa mailagay ang sarili sa sitwasyong ‘di kayang panghawakan lalo na ang sariling emosyon. Kung baga, iwas “awkward situation” na lang.
Bago pa masira ang mga dati nang mabuting samahan na epekto ng pangungutang at pagpapautang, maganda ring makapulot sa dunong ng ibang tao. Sabi ng isang kaibigan, para raw hindi sumama ang loob sa mga taong malapit pa naman sa iyo, mainam na may pamantayan pag nagpapahiram. Sikapin daw na pag nagpahiram (lalo na sa mga malalapit sa iyo) ay ipahiram lamang ang halaga na sa palagay mo ay kaya mong mawala na hindi gaanong sasama ang loob mo. Para bayaran ka man o hindi, hindi mo ito gaanong iindahin. At malamang makakatulong din para sa mga nanghihiram, na hangga’t maari, manghiram lamang ng halaga na kakayanin mo ring ibalik kahit paunti-unti sa malaon. Maganda pa rin kasi para sa ating kapayapaan na alam natin na wala tayong mga atraso o naagrabyado sa buhay.
335