RAPIDO ni PATRICK TULFO
GAANO katotoo na magiging tatlo na ang munisipyo sa bayan ng Floridablanca sa Pampanga?
Hindi naman ganoon kalaki ang Floridablanca kaya’t nakapagtataka na kailangan nila ng pangatlong munisipyo.
Ayon sa mga papeles at reklamong inilapit sa Rapido ng grupong United Floridablancans, nangutang umano ang pamahalaang lokal ng Floridablanca, sa pangunguna ni Mayor Darwin Manalansan, sa Development Bank of the Philippines, upang ipambili ng lote at pampatayo ng bagong munisipyo.
Ayon sa reklamo, ang mismong DBP ang lumapit sa lokal na pamahalaan upang alukin ng pautang. Pero noong wala pa umanong utang ang Floridablanca ay mataas na ang siningil nito sa mga negosyante, lalo pa ngayong may dagdag na singil dahil sa kailangang bayarang utang.
Nilinaw ng mga nagrereklamo na maaari namang lakihan na lang ang kasalukuyang munisipyo para madagdagan ang mga opisina at hindi na kakailanganin pa ng panibagong munisipyo, na malinaw na dagdag gastusin lang ito ng kanilang bayan.
Hindi mahalaga kung politikal man o hindi ang reklamong inilapit sa amin. Ang tanong ay kung gaano katotoo ang reklamo? Hindi biro ang pagkakaroon ng tatlong munisipyo dahil magkakaiba pa ang dapat pagtugunan ng budget ng bayang ito, gayung mas marami pang proyekto ang pwedeng pagtuunan ng pansin na mas makikinabang ang mamamayan nito. Papagurin lang nila ang kanilang nasasakupan sa pagpapalipat-lipat sa mga munisipyo imbes na sa iisang gusali lamang.
206