BAYANIHAN SA BRIGADA ESKWELA

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

TAUN-TAON, nagsasagawa ang Kagawaran ng Edukasyon ng Brigada Eskwela para paghandaan ang pagsisimula ng klase. Nagbibigay ang programang ito ng napakaraming pagkakataon para sa mga guro, magulang, estudyante, at iba’t ibang sektor ng lipunan na magtulungan sa pag-aayos at paghahanda ng mga paaralan.

Pero hindi lang ito basta simpleng paglilinis at pagpipintura ng mga gagamiting silid-aralan ng mga pampublikong paaralan. Sinasalamin ng Brigada Eskwela ang malasakit at bayanihan ng ating komunidad. Sa panahong maraming hamon ang sistema ng edukasyon, mahalagang bigyang-diin ang kahalagahan ng programang ganito na importante sa pagsusulong ng kapakanan ng mga mag-aaral at mga guro.

Naniniwala akong nagsisilbing pagsasabuhay ng konsepto ng bayanihan ang Brigada Eskwela dahil imbis na iasa lamang sa gobyerno ang pagpapaganda ng mga eskwelahan, aktibong nakikilahok ang mga miyembro ng komunidad, kagaya ng pribadong sektor, sa pag-aambag ng kanilang oras, lakas, at kahit na mga materyales. Sa ganitong paraan, hindi lamang pisikal na kalinisan ang naibibigay, kundi pati na rin ang damdaming pag-aari ng mga estudyante at magulang sa kanilang paaralan.

Mahalaga ang maayos na kapaligiran sa pagkatuto ng mga bata. Kapag malinis, ligtas, at kumpleto ang mga pasilidad, mas nagiging epektibo ang proseso ng pag-aaral. Ang mga simpleng gawain gaya ng pag-aayos ng mga sirang upuan, paglalagay ng mga bagong pisara, at pagtatanim ng mga halaman ay may malaking epekto sa moral ng mga guro at estudyante.

Isa pang mahalagang aspeto ng Brigada Eskwela ang paghubog ng pananagutan at malasakit sa kapwa. Dahil sa pakikibahagi ng mga magulang at komunidad, nagsisilbi silang ehemplo sa pagpapahalaga sa edukasyon.

Suportado ng Meralco, ang pinakamalaking distribyutor ng bansa, ang taunang Brigada Eskwela.

Sa pamamagitan ng One Meralco Foundation (OMF) at pati na rin ang mga opisina nito, business centers at mga subsidiaries at business units kagaya ng Meralco PowerGen, MPower, Radius, Bayad at MServ, nagsasagawa ang kumpanya ng napakaraming aktibidad na makakatulong sa programang ito ng pamahalaan.

Bukod sa pagsama sa mga aktibidad at pamimigay ng mga gamit sa paaralan, nagsagawa rin ang Meralco ng inspeksyon sa mga pasilidad ng kuryente at pagpuputol ng mga sanga ng puno bilang paghahanda at pagsisigurong nasa maayos na kondisyon ang mga pampublikong paaralan bago magsimula ang pasukan.

Layunin ng mga donasyon at boluntaryong gawain ng Meralco at mga subsidiary nito na makatulong sa pagpapabuti ng kaligtasan at kaayusan sa mga paaralan, na nag-aambag sa mas maayos at ligtas na kapaligiran para sa pag-aaral.

Bagama’t matagumpay ang Brigada Eskwela taun-taon, mahalaga ring tandaan na hindi dapat ito magsilbing pamalit sa mga tungkulin ng pamahalaan sa pagsusulong ng maayos na kalidad ng edukasyon sa bansa.

Dapat patuloy na suportahan ng sapat na pondo at atensyon mula sa gobyerno ang sektor na ito upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon at mga pasilidad.
Ang Brigada Eskwela ay hindi lamang tungkol sa pisikal na pagbabago ng paaralan, kundi tungkol sa pagbubuo ng mas malalim na ugnayan sa pagitan ng mga guro, magulang, estudyante, at komunidad.

48

Related posts

Leave a Comment