BAYANIHAN SA PAMAMAGITAN NG TULONG AT SUPORTA KAY JULLEBEE RANARA

MY POINT OF BREW NI JERA SISON

NAPAKALUNGKOT ng sinapit ng dating overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara sa kamay ng mga amo nito sa Kuwait. Ang balita ng kanyang pagkamatay ay nagdala ng matinding lungkot at galit sa sambayanang Pilipino. Wala pa mang isang taong paninilbihan nito sa ibang bansa, trahedya na ang inabot ng 35-anyos na OFW na ang layunin lamang ay mabigyan ng mabuting buhay ang kanyang pamilya sa Pilipinas. Inihatid na sa kanyang huling hantungan si Jullebee.

Nagluluksa ang buong bansa at nakikiisa sa pamilyang naulila ni Ranara. Maituturing na isang malungkot na pangyayari ang mamatayan ng mahal sa buhay habang ito’y nasa ibang bansa, ngunit ang maaaring naging brutal at hindi makatao na pagpaslang kay Ranara ay nakakawasak ng puso hindi lamang ng pamilya ngunit ng buong Pilipinas. Binugbog, at sinunog matapos sinagasaan ng dalawang beses gamit ang kotse at saka itinapon sa gitna ng disyerto noong ika-21 ng Enero – iyan ang dinanas niya sa kamay ng 17 taong gulang na anak ng kanyang mga amo.

Sa gitna ng pagdadalamhati ng pamilya Ranara, inulan ng tulong kasama na rito ang pribadong sektor.. Isa na dito ay ang Meralco. Nang mabalitaan nila na walang serbisyo ng kuryente ang bahay ng pamilya ni Ranara kung saan gagawin ang burol, agad naman itong kumilos para kabitan ng serbisyo ng kuryente ang bahay bilang suporta at pakikidalamhati sa sinapit ng Pinay OFW.

Ayon sa ulat ng DZRH, mula 2013 ay wala nang serbisyo ng kuryente ang bahay ng pamilya ni Ranara dahil sa mga hindi nabayarang bill. Upang magkaroon ng access sa kuryente, gumagamit lamang ang pamilya ng maliit na generator. Minabuti naman ng Meralco na hindi na singilin ang naiwang utang sa lumang account ng pamilya at kinabitan ng libre ang bahay upang masigurong magiging maayos ang burol ni Ranara at komportable ang pamilya nito.

Tumanggap din ng tulong pinansyal ang pamilya para sa burol at libing ni Ranara mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nagkakahalagang 200,000. Bukod pa ito sa insurance na matatanggap ng pamilya na nagkakahalagang P800,000 na kasalukuyang inaayos ng nasabing ahensya.

Personal ding dumalaw at naghatid ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) sa pamilya ni Ranara. Mabilis na kumalat ang litrato nitong akap-akap ang kaanak ni Ranara. Ipinangako ni PBBM na tutulungan ng pamahalaan ang naulilang pamilya. Bilang pagkilala sa pangarap ni Ranara para sa kanyang pamilya, ipinangako ni PBBM na ang pamahalaan ang tutupad nito para kay Ranara.

Ang brutal na pagpatay kay Ranara ay nagtulak sa mga mambabatas, mga rights group, at mga mahal sa buhay ni Ranara na humingi ng hustisya sa sinapit ng OFW. Bagaman ipinangako naman ng pamahalaan ng Kuwait na bibigyan nito ng hustisya ang pagkamatay ni Ranara sa kanilang bansa, kasalukuyang pinag-uusapan ng mga mambabatas ang muling pagbisita sa labor laws ng bansa patungkol sa OFW.

Ayon kay PBBM, kasalukuyang itinatakda ang mga pagpupulong kasama ang Kuwait upang muling pag-aralan ang Bilateral Labor Agreement (BLA) upang mas bigyang proteksyon ang mga OFW.

Layunin ng pagpupulong na busisiin kung mayroong bahagi ng agreement na kailangan paigtingin upang maiwasang maulit ang pagkakapaslang sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Iniutos naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople ang muling pag-aralan ang mga recruitment standard ng bansa at paigtingin ang mga nasasaad ditong may kinalaman sa kaligtasan at wastong pagtrato sa ating mga OFW.

Maaalalang hindi naman ito ang unang beses na mayroong OFW na pinatay sa Kuwait. Noong 2018, natagpuan ang katawan ng isang 29-anyos na Pinay domestic helper na si Joanna Demafelis sa loob ng freezer na nakatago doon sa loob ng dalawang taon. Bilang aksyon sa trahedyang ito, inihinto ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.

Ayon sa datos ng DMW, nasa humigit kumulang 268,000 na OFW ang nagtatrabaho sa Kuwait at 195,000 sa mga ito ay nagtatrabaho bilang domestic worker. Maaaring maituturing na isolated cases ang mga nangyari kay Ranara, Demafelis, at sa iba pang mga OFW na nagdusa at pinaslang ng kanilang amo, subalit, hindi ito dapat ipagwalang bahala. Kailangang mas paigtingin pa ang mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga OFW habang sila’y nasa ibang bansa. Ang trahedyang sinapit ng pamilya ni Ranara bunsod ng brutal na pagkamatay ng OFW ay higit pa sa sapat para siguraduhin ang kaligtasan at pangalagaan ang karapatan ng mga OFWs na nasa iba’t ibang bahagi ng mundo.

158

Related posts

Leave a Comment