PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAIS panagutin ng Kalikasan People’s Network for Environment (KPNE) ang rehimeng Marcos, Jr. sa palpak na tugon nito sa Manila Bay oil spill kamakailan.
Ito ang lumabas sa isinagawang press conference na ginanap noong ika-5 ng Agosto ng “SOS to Save Manila Bay”.
Ang pulong balitaan ay dinaluhan ng isang kapulungan ng mga lider-masa, tanggol kalikasan, akademiko at taong simbahan upang ipagtanggol ang Manila Bay.
Ayon kay Ronnel Arambulo, vice chairperson ng PAMALAKAYA-Pilipinas, mahigit sa 20,000 ang naapektuhan na mga mangingisda mula sa Ternate, Rosario, Limay at iba pa.
Pinuna rin ni Arambulo ang ipinatupad na ‘No-Catch’ policy na mawawalang kita ang mga mangingisda.
Pinagsamantalahan ng mga trader ang isyu sa oil spill para baratin ang mga mangingisda sa kanilang huli.
Sinabi pa ni Arambulo, sa halip na magtulungan ang mga apektado sa krisis ay ginawang malayo ang presyo na kuha sa mga mangingisda at sa benta nila sa merkado.
Kung dati ay nakapaghuhuli pa sila ng 10,000 hanggang 15,000 na isda, ngayon ay daan-daan na lamang, banggit pa ni Arambulo.
Ibinahagi naman ng grupong AGHAM (Advocates of Science and Technology for the People), ang obserbasyon nila mula sa ginawang inisyal na imbestigasyon sa Tanza, Cavite noong Sabado at Linggo para aralin ang naging epekto nito sa komunidad.
“Masasabi po namin na hindi lang ito environmental disaster kundi ito ay compounding disaster. Bukod sa epekto ng oil spill sa kabuhayan ng mga residente roon, mayroong health risks din ito. May ulat na ang iba ay nahihirapang huminga dahil sa singaw ng langis, at mayroon ding sumakit ang tiyan sa nakain na huli mula sa dagat,” sabi ni Narod Eco, siyentistang representante ng AGHAM.
Ayon pa sa kanya, kailangan ang transparent, decisive, at malinaw na solusyon kung paano mapoprotektahan ang Manila Bay, at hindi dapat pumayag sa mga reclamation at dredging para sa urban spaces.
Nasa may tapat ng Tanza, Cavite ang malawakang dredging na isinasagawa sa San Nicolas Shoal para ipangtambak sa dambuhalang proyektong reklamasyon ng New Manila International Airport.
“Sunud-sunod na ang naging dagok sa Manila Bay, may malawakang reklamasyon at nagkaroon pa ng oil spill matapos makaranas ng bagyo at habagat. Ang sinasabi ng PCG, minimal lang daw, controlled, at unalarming ang oil spill. When in fact, naaamoy na sa mga komunidad, at hindi na makapalaot ang mga mangingisda. Naapektuhan na ang kanilang kabuhayan at wala nang makain. Pinapakita nito na minamaliit ng gobyerno ang oil spill bagaman direktang naaapektuhan na ang mga komunidad,” pahayag ni Jonila Castro, ng ACAP Manila Bay at Kalikasan People’s Network for the Environment Advocacy Officer.
“Kaming mga maliliit na mangingisda pagkatapos palayasin ay parang mga alamang na ginasak sa paa,” ayon kay Bong Laderas ng PMMB (Pagkakaisa ng Mangingisda at Mamamayan sa Manila Bay). “Inikot namin ang Hagonoy hanggang Obando, sa palengke ‘di sila makabenta ng isda. Matumal ang benta dahil takot sa oil spill.”
Nagpahayag din si Leah Valencia ng Promotion of Church People’s Response o PCPR, na dapat magkaisa ang mga siyentista, maka-kalikasan, mangingisda, at taong simbahan upang protektahan ang Manila Bay.
Gusto ring singilin ng grupo ang Philippine Coast Guard (PCG) at San Miguel Corporation (SMC) sa kanilang pananagutan sa disaster.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.
108