PUNA ni JOEL AMONGO
MARAMING katanungan ngayon ang umiikot hinggil sa nasagasaang isang Barangay Public Safety Officer (BPSO) kung may benepisyo ba siyang matatanggap mula sa barangay na kanyang pinaglilingkuran.
Ang insidente ay nangyari dakong alas-2 ng madaling-araw noong nakaraang Huwebes, Marso 30, 2023, na naging dahilan ng kamatayan ni Ruel Francobit, 56-anyos, residente ng Brgy. Greater Lagro, Quezon City.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente habang nagpapatrolya si Francobit at iba pang BPSO, na kinasangkutan ng dalawang kahina-hinalang mga sasakyan na Isuzu Traviz lightweight truck at Mitsubishi L-300 van na nakaparada sa nasabing lugar.
Nang lapitan nila Francobit ang mga sasakyan, ang driver ng truck na kinilala ng pulisya na si Cris Anthony Nollas, 22-anyos, ay biglang sumibat naging dahilan upang masagasaan ang biktima.
Samantala, tumakbo naman ang driver ng van na si Luduig Aldrich Magtibay, 25-anyos.
Agad na dinala sa Tala Hospital sa North Caloocan City ang biktima na kung saan ay idineklara itong dead on arrival.
Inabandona ng mga suspek ang kanilang mga sasakyan sa magkakahiwalay na lugar, sa Amparo Subdivision at sa Llano Road, Caloocan City.
Napag-alaman na si Magtibay ay kusang sumuko sa Police Traffic Sector 2.
Si Magtibay ay kinilala ng kasama ni Francobit na siya ang isa sa mga suspek na nakasagasa.
Patuloy naman na tinutugis ng pulisya si Nollas na umano’y residente ng Brgy. Krus na Ligas sa Quezon City.
Nagpaabot naman ng kanyang pakikiramay sa pamilya ni Francobit ang kanyang kaklase noong high school.
Kasabay ng pagkuwestiyon kung bakit sa Tala Hospital pa dinala ang biktima na kung saan ay malayo sa pinangyarihan.
Isa rin siya sa maraming nagpaabot ng katanungan kung ang katulad ba ni Francobit na miyembro ng BPSO na namatay habang sila ay naka-duty, ay may benepisyong nakukuha mula sa pamahalaan.
Kung hindi sila makatatanggap ng mga benepisyo ay kawawa naman ang kanilang pamilyang maiiwan.
Malaki ang nagagawa ng mga miyembro ng BPSO sa ikatatahimik ng kanilang barangay na nagiging mitsa ng kanilang buhay na dapat ay suklian ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakasasakop sa kanila.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
