CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BER months na!
Siyempre, masaya ang bungad ng ber months. Kung pwede nga lang huwag gambalain ang sayang hatid nito. Kaso, sabi nga, hindi lahat ay lipos ng tuwa. Baka nag-aantay na ang ikabubuwisit natin: gaya ng kasya ang ganitong halaga para sa Noche Buena. Iwaglit muna ito. Tutok tayo sa posibleng pagbagal ng pagpasok ng mga inaangkat na bigas sa bansa ngayong “ber” months.
Bukod dito, malamang na tumaas din ang presyo nito.
Ayon sa Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM), kinansela ng Vietnam – ang nangungunang supplier ng Pilipinas ng imported na bigas – ang kanilang mga kontrata upang muling makipag-ayos sa mga bumibili para sa mataas na presyo.
Sinabi ni PRISM co-founder Orlando Manuntag na panahon na para makipag-usap ang gobyerno sa mga bansang nagluluwas ng bigas para masigurong hindi makakansela ang mga kontrata at magtuloy-tuloy ang supply nito.
Napilitan daw ang Vietnam na kanselahin ang mga kontrata ng mga importer ng Pilipinas dahil ang presyo ng ini-export na bigas ng ibang bansa sa Southeast Asia ay tumaas ng $60 hanggang $70 kada metric ton.
Eh ang mangyayari ay wala nang bigas na maaangkat ang Pilipinas mula Vietnam. ‘Yan na nga ba sinasabi ng iba na wa epek ang malaking tinapyas na taripa ng gobyerno.
Ipapasa na naman sa mamimili ang pasanin dulot ng pagtaas ng presyo ng inaangkat na bigas.
Nauna na kasi ang yabang sa hindi pa nakikitang kahihinatnan. ‘Di ba, ipinagmalaki ng mga opisyal ng pamahalaan na ang pagtapyas ng taripa ay magpapababa raw ng P6 hanggang P7 kada kilo ng presyo ng retail rice?
Teka, inaabangan ng mundo ang pagtatapos ng isang taong ban ng India sa pag-export ng bigas. Noong Hulyo 2023, ipinagbawal ng India, isa sa pangunahing exporter ng bigas sa buong mundo, ang pag-export ng bigas dahil sa seguridad sa pagkain. Naging sanhi ito ng pagtaas ng presyo ng bigas habang ang malalaking importer gaya ng Pilipinas ay nagkandahirap sa paghahanap ng kahaliling mga supplier.
Sa pamamagitan ng bilateral arrangement, nakabili ang Pilipinas ng halos 20,000 metric tons (MT) ng bigas sa India.
Ngayon, sakaling buksan muli ng India ang pag-export ng bigas, ano ang inaasahang pagbabago sa presyo? Puwedeng ikabahala.
Malawak ang sakahan sa Pilipinas. Mayaman ang lupa, pero ayaw pagyamanin nang hindi na umasa sa importasyon.
Lagi na lang bukambibig ang paramihin ang lokal na produksyon pero hayun nauuwi sa limitasyon.
Sa tala ng Bureau of Plant Industry, ang bansa ay nakapag-angkat ng 2.57 million MT ng bigas ngayong taon hanggang Agosto 8. Pero mataas pa rin ang presyo sa merkado.
Wala na talaga ang pangakong P20 kada kilo, o kahit ang P29 na hindi naman para sa lahat.
Naalala n’yo ba na bago ang SONA, lumabas sa isang survey na 4 porsyento lang ng mga Pilipino ang naniwalang naibaba ni Presidente Marcos ang presyo ng bigas? Isa sa malaking hamon sa
Marcos administration ang mapanatili ang pagkain, lalo na ang bigas, na abot-kaya ng mga ordinaryong manggagawa.
Kaso, ayaw atang kumasa ng admin sa hamon.
Kaya, guni-guni lang ‘yang wala nang gutom na programa ng gobyerno.
32