BERDUGO NG ANTIPOLO!

WASAK hindi lamang ang kabahayan, kundi maging ang kaligtasan at kinabukasan ng hindi bababa sa 100 pamilya makaraang pasukin ng mga berdugo ang isang maliit na komunidad sa VV Soliven, Barangay Mayamot sa Lungsod ng Antipolo.

Pinalayas ang mga ­pob­reng residente sa gitna ng pandemya – bagay na ipinagpilitan ng mga kawani ng Antipolo City ­Engineering Office, kasama pa ang ­sangkaterbang armadong pulis mula sa Rizal PNP sa hangaring mapasakamay ang 2.3-ektaryang lupang saklaw ng titulo sa pangalan ng isang Danilo Cortez.

Isang private property ang nasabing lugar, na taliwas na giit ni Kapitan Pablo Oldan Jr., na personal pang lumutang para pangasiwaan ang gibaan ng mga kabahayan.

Ang masaklap, binawian ng buhay ang isang 14-anyos na dalagitang inatake nang pasukin sila ng assault team ng PNP. Eh sino nga ba naman ang hindi nerbyusin sa paglusob ng mga maskaradong mga pulis?

Bukod kay Oldan, naroon din ang bagong talagang Rizal PNP provincial director na si Colonel Dominic Baccay – isang tagpong naging palaisipan sa mga nawalan ng tahanan.

Gaano nga ba kaimpluwensya ang nagpalayas sa 100 pamilya sa gitna ng patuloy na banta ng nakamamatay na COVID-19? Mantakin mong nakakuha ng demolition order mula sa husgado kahit gabi na? At mabilis na ipinatupad kinabukasan ng umaga.

Ang nakakapagtaka ay ang nakikisawsaw na Antipolo City LGU, at ng mga kapulisang mistulang sasabak sa giyera bitbit ang kanilang matataas na kalibre ng armas na wari mo’y handang pumatay sa sino mang kokontra sa gibaan.

Tanong ng mga residente, paano naging pag-aari ng Antipolo City government ang kanilang tituladong lupa? Hindi kaya napag-utusan (kung hindi man nabayaran) lang si City Engineer Jesus Gonzaga na gibain ang mga ­kabahayan sa hiling ng isang VIP na malapit sa mga nakaupo sa pwesto?

Kailangan ba talaga ang presensya pati ng Rizal PNP director sa eksena? Kailangan din bang naka full-battle gear ang hanay ng pulisya? Bakit kailangan pang itaboy ang mga kawani ng media na naroon para mag-ulat?

Matapos ang gibaan, usap-usapan ang plano ng pamahalaang gamitin ang tituladong lupa para sa ita­tayong sementeryo.

Susmaryosep! ‘Yung patay pa pinahalagahan kaysa mga buhay!

Isa lang ang tiyak, mas marami pa ang magiging palaboy sa mga ­lansangan lalo pa’t wala na silang ­masisilungan. Nakakalungkot isiping nagawang baluktutin ng mga berdugo ng Antipolo ang tagubiling personal na inihayag ng Pangulo – Walang gibaan hangga’t hindi pa natatapos ang banta ng pandemya.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

84

Related posts

Leave a Comment