Best police regional office target muli ni Gen. Hidalgo

BALYADOR ni RONALD BULA

NANG maupo bilang Director ng Police Regional Office 3 (PRO-3) si P/BGen. Jose Hidalgo, ang una niyang iniutos sa mga provincial director at iba pang mga opisyal at tauhan ay ang pagtupad nang tapat sa tungkulin at gumawa ng kabutihan.

Tiniyak niya na magagantimpalaan ang mga may mabuting gawa at maparurusahan naman ang mga masasangkot sa masasamang gawain.

Isa kasing malaking hamon Kay Gen. Hidalgo ang pamunuan ang PRO-3 lalu na’t itinanghal ito bilang ‘best regional police office’ at karangalan para sa kanya ang masundan ang yapak ng pinalitan niyang si P/BGen. Cesar Pasiwen na isa raw sa mga hinahangaan niyang senior officers.

Aminado kasi si Gen. Hidalgo na posibleng tumaas ang antas ng krimen sa mga lalawigan ng Central Luzon na kanyang nasasakupan dahil sa maraming kadahilanan, kabilang na rito ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, pagluluwag sa galaw ng mga tao dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 at sunod-sunod na kapistahan sa iba’t ibang lungsod at bayan.

Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin si Gen. Hidalgo na mapapanatili pa rin nila, sa tulong ng kanyang Provincial Directors sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales, ang kaayusan at katahimikan sa buong rehiyon upang maigawad muli sa kanila ang best regional police office.

Hindi lang kasi sa pagsugpo sa kriminalidad nakatutok ang atensiyon ng provincial directors kundi maging sa galaw na rin ng makakaliwang grupo lalo na ngayong summer na maraming mga turista ang dadagsa, pati na rin sa pagsugpo sa ilegal na droga at ilegal na sugal.

Naniniwala kasi ang kapulisan na karaniwang nagsisimula ang maliit na problema sa hindi kalakihang aktibidad tulad ng ilegal na sugal na kapag napabayaan ay nagiging isang malaking suliranin.

Isa na siguro rito ang paglaganap ng mga ilegal na sugal sa iba’t ibang bayan sa Pampanga sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Levy Hope Basilio na karamihan ay ginagamit ang nalalapit na kapistahan.

Tradisyunal na kasi sa mga lalawigan ang paglalagay ng kasiyahan bago at pagkatapos ng araw ng kapistahan at ito ang sinasamantala ng mga gambling operator para maglatag ng ilegal na sugal na karaniwang pinagmumulan ng kaguluhan.

Hindi na kasi pinipili ng mga gambling operator ang lugar na dapat paglatagan ng iba’t ibang uri ng sugal kaya’t kahit sa tabi ng munisipyo at paaralan, tulad ng inilatag ng isang Ricky Quiros, Jesica, Dante, Noeme at Lourdes sa bayan ng Dau, Mabalacat, Brgy. Bulaon Resettlement sa San Fernando, Pampanga, Brgy. Camba sa Arayat, Brgy. Ebuz sa Guagua, Brgy. San Vicente at Brgy. Tenejiros sa Candaba at iba pang bayan sa lalawigan ng Pampanga.

Pero tiyak namang kayang kalusin ni Col. Basilio ang mga ganitong uri ng ilegal na aktibidad sa kanyang nasasakupan kung gugustuhin dahil mas mahirap kung pagsisimulan pa ito, hindi lang ng kaguluhan, kundi pamumugaran ito ng mga drug addict at tulak.

Samantala sa hurisdiksyon naman ni Bulacan Provincial Director P/Col. Relly Arnedo, everybody happy na naman ang sakla operators partikular na sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan dahil binigyan na raw sila ng local PNP ng go-signal na mag-operate.

Sandaling natengga ang mga mesa’t baraha ng mga mananakla sa naturang bayan dahil sa mahigpit na kautusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police na ipatigil ang lahat ng uri ng sugal sa bansa.

Sa mga panahong iyon ay walang sakla sa bayan ng Sta. Maria, maayos namang naipalilibing ang mga patay dahil sa tulong, pag-aambagan at kontribusyon ng magkakapitbahay at magkakamag-anak. Ginagawa kasing dahilan ng mga demonyong sakla operators, na malaking tulong daw ang naibibigay nila sa mga namamatayan dahil sa ‘tong’ o kita ng pa-sakla gabi-gabi habang nakaburol ang patay.

Pero ang lantad na katotohanan, ginagawang negosyo at pinagsasamantalahan ng mga sakla operators ang mga patay para magkamal ng pera para sa pansariling-bulsa, lalo kung malakihan ang tayaan o isang linggong nakaburol ang patay.

May pitong buwan na ngayon nang muling i-OPEN ng Sta. Maria PNP ang sugal na sakla sa naturang bayan. Mahigpit pa ang bilin sa mga sakla operator na walang latag sa hayag na lugar o lansangan. Kaya ang mga saklaan at maging ang mga ‘konsiyerto’ ay isinasagawa sa mga tagong lugar na dinarayo pa rin ng mga manunugal, gaya ng saklaan ng isang alyas ‘MONG’ sa may Immaculate Concepcion Funeral Homes. Isang alyas ‘EBOY’ naman ang natokahan ng local PNP para hawakan ang intelihensiya ng mga saklaan sa Sta. Maria, na ang ang lagayan ay P2k isang gabi bawat puwesto, mahina o malakas man ito.

Tutukan natin!

Para sa suhestyon at Reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

80

Related posts

Leave a Comment