PUNA ni JOEL O. AMONGO
NAPILITANG magbitiw sa puwesto si Quezon City Police District (QCPD) District Director BGen. Nicolas Torre III dahil sa inabot na pagbatikos sa kanya ng netizens makaraang mag-organisa ang QCPD ng press conference noong Agosto 27 para dating pulis na si Wilfredo Gonzales.
Magugunitang makaraan ang road rage incident noong Agosto 8, 2023 na kinasangkutan ni Gonzales at isang siklista sa Doña Josefa, malapit sa Welcome Rotonda, Quezon City, nag-organisa ng press conference ang QCPD.
Sa nasabing press conference ay sinamahan ni Torre si Gonzales na nambatok at nagkasa ng baril sa siklistang walang kalaban-laban.
Pinuna ng netizens si Gen. Torre na imbes na tulungan niya ang siklista ay si Gonzales pa ang binigyan ng pagkakataon
na makapagpaliwanag sa presscon.
“Dahil ba dating pulis si Gonzales kaya siya ang isinama ni Gen. Torre sa press conference? Wow! Ang lakas naman niya! VIP ba siya?” pahayag sa PUNA ng isang netizen.
Si BGen. Redrico Maranan ay itinalaga bilang Acting Director ng QCPD noong Setyembre 2, 2023 kapalit ni BGen. Torre na malugod namang tinanggap ng lokal na pamahalaan ng lungsod Quezon.
Ayon sa statement ni QC Mayor Joy Belmonte, kaisa ang lokal na pamahalaan sa malugod na pagtanggap sa pagkakatalaga kay BGen. Maranan bilang acting director ng QCPD.
Si Gen. Maranan ay may malawak na karanasan sa PNP kung saan ay nakatanggap daw ito ng mahigit sa isang daang parangal magmula nang siya ay maging pulis.
Siya ay dating PIO, intelligence officer ng Cavite Police Provincial Office, at provincial director ng Pangasinan.
Sana nga ay hindi matulad si Gen. Maranan kay Gen. Torre na mas kinampihan ang nambatok at nagkasa ng baril sa isang ordinaryong siklista.
Alam kong matalino si Gen. Torre, pero sumablay siya sa ginawa niyang pagsama kay Gonzales sa presscon.
Alam mo namang kaliwa’t kanan ang batikos na inaani ni Gonzales sa ginawa niya sa siklista, ay nakisimpatiya ka pa sa kanya.
Hindi ka naman abogado para ipagtanggol mo siya? Opisina ng awtoridad ang pinamumunuan mo tapos sablay ang ginawa mong desisyon? Wrong timing ka, sir.
Nakita mo naman na pati ang mga senador ay pinutakte ng batikos ang ginawa ni Gonzales laban sa siklista, tapos ikaw, isinama mo sa presscon? Maling-mali ka dyan, sir.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
277