BI LIAISON OFFICERS BINUKING NA FIXERS?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

IBANG klase ang fixers sa main office ng Bureau of Immigration (BI) sa Magallanes Drive, Intramuros, Manila dahil mismong ang kanilang Liaison Officers ang lumalabas na ‘fixers’.

Ayon sa kwento ng impormante sa PUNA, ang nasabing ‘fixers’ ay hindi tagalabas kundi mismong mga empleyado ng BI na Liaison Officers.

Sila raw kasi ang tanging nakaiikot sa lahat ng departamento at sila rin ang nakakausap ng lahat ng BI department heads.

Sila rin ang nagdadala ng mga folder na naglalaman ng mga dokumento ng mga parukyano ng BI para dalhin sa iba’t ibang departamento nito.

Sa bawat folder na dinadala ng Liaison Officers sa lahat ng mga departamento ng BI, ay may nakaipit na P250 hanggang P500 na umano’y SOP na sa naturang opisina.

Sa dinami-dami ng mga tao na may transaksyon sa Immigration, na naglalagay sa bawat folder ng P250 hanggang P500, ay limpak-limpak na salapi ang naiipon ng mga Liaison Officer na ito.

Umaabot ng mahigit kumulang sa1000 folders ang natatanggap ng mga Liaison Officer na dinadala ng mga ito sa iba’t ibang departamento ng BI.

Ang kalakarang ito ay hindi kaya nakararating sa kaalaman ni Commissioner Norman Tansingco?

Dahil nakasanayan na ang paglalagay ng P250 hanggang P500 sa folder ng mga may transaksyon sa BI, ay naging kalakaran na nila ito.

Kapag wala namang nakalagay na pera sa folder ay hindi ito pinapansin ng Liaison Officers hanggang sa abutin ito nang matagal sa BI.

Kaya walang magawa ang mga may transaksyon sa Immigration kundi sumunod sila sa agos na naging kalakaran na sa kanila. Hanep!

Kasi nga naman kung hindi nila susundin ang ganitong kalakaran ay hindi nila (parukyano) makukuha sa Immigration ang mga dokumento na kanilang kailangan.

Pangunahing apektado sa kalakarang ito ay ang overseas Filipino workers (OFWs).

Kawawang OFWs, sila ang ginagawang gatasan ng mga tiwaling nasa gobyerno.

Kasama sa mga ginagatasan ay ang Chinese nationals na malakihang magbigay ng pera.

Ganoon katindi ang ‘fixers’ sa BI, talo pa nila sa kitaan ang kanilang mga bossing.

Mistulang legal na ‘fixers’ ang Liaison Officers sa BI dahil malaya nilang napupuntahan at nakakausap ang mga empleyado at mga opisyal na pumipirma ng mga dokumento na may nakalagay na P250 hanggang P500 sa bawat folder.

Ang bilis kumita ng mga ito, sa ganoon lang nilang ginagawa ay kumikita na sila ng limpak-limpak na salapi?

Sa P250 x 1000 (aplikante) ay kumikita sila ng P250K kada araw.

Sa P500 x 1000 (aplikante) naman ay kumikita sila ng tumataginting na P500K kada araw.

Hindi tayo magtataka na sa mga susunod na eleksyon ay baka mayroon nang tatakbong kongresista na dating Liaison Officer ng BI.

Sa dami kasi ng kanilang naibubulsa sa pagiging Liaison Officer ng BI ay may puhunan na sila para sa pagsabak sa pulitika.

Kung ganito kalaki ang kinikita ng mga ito ay hindi na nila papansinin ang kanilang sweldo.

Anong kaya ang masasabi dito ni Commissioner Tansingco?

Kung hindi ito alam ni Comm. Tansingco, abay! matagal na siyang niloloko ng kanyang mga tauhan.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.

71

Related posts

Leave a Comment