BIGAS ANG BIDA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PLANO pa nga lang dagdagan ang Kadiwa stores na nagbebenta ng P29 kada kilo na bigas at dalhin ito sa iba pang lugar sa Pilipinas ay heto na ang ‘Rice-for-All’ program na magbebenta raw ng bigas na mas mura sa umiiral na presyo sa merkado.

Teka, mura ba ang P45 hanggang P48 na presyo ng programang bigas para sa lahat?

Natural, mas kakagatin ang Bigas 29, kaso para lang ito sa mga bulnerable kuno gaya ng nasa 4Ps, SC, PWD at solo parent.

Kahit para sa lahat ang bagong programa ay malamang kaunti ang kumagat dahil maliit lang ang diperensya ng presyo nito sa mabibili sa palengke.

Ang siste pa, sa Kadiwa centers ito ilulunsad bago makarating sa ibang lugar.

Ang ending: Paaasahin din ang gustong makakuha lalo’t nasa hindi abot o malalayong lugar.

Ay naku, ikatlong SONA na ni PBBM sa Hulyo 22, pila para makabili ng bigas pa rin ang tanawin. Pansamantalang solusyon kasi at panakip-butas sa kapos na kakayahan ng gobyerno na tugunan ang gutom at kahirapan.

Paasa nga. Sabagay habang may buhay, may pag-asa sabi nga, pero sa gobyerno ngayon, habang buhay magpagal.

Balik tayo sa Bigas 29, na ayon kay Speaker Romualdez ay nagpapakita ng dedikasyon ni Pangulong Marcos Jr. na solusyunan ang implasyon at mapalakas ang seguridad ng pagkain.

Pansin n’yo ba na tila nagkukumahog ngayon ang gobyerno sa pag-anunsyo ng planong makapagbenta ng murang bigas?

E kasi nga, SONA na naman. Kailangang may bitbit ang Pangulo na isang kapuri-puring nagawa na bubura sa hindi niya natupad na P20 na pangako.

Sabi nga ng isang grupo ng mga magsasaka, ang pagbebenta ng bigas ng P29 kada kilo sa Kadiwa ay paasa sa mahihirap. Ang hakbang ay ipinatupad bilang paghahanda para sa SONA.

Kamakalawa naman, ibinida ni Finance Secretary Ralph Recto na sa Agosto ay mababawasan ng hanggang P5 ang presyo ng kada kilo ng bigas na epekto raw ng pagbawas sa taripa o EO 62 sa mga inaangkat na bigas.
Itong pagbawas sa taripa ang nakitang solusyon ng gobyerno dahil ang nangungunang nagpapataas daw ng inflation simula pa noong nakalipas na Setyembre ay ang mahal na bigas.
Kinalimutan na naman ang mga magsasaka na nagpapakapagod upang may maihain sa mesa ang bawat tahanan.
Paliwanag ng ekonomistang si Dr. Michael Batu, kapag nagbaba ka ng taripa at nagpasok ka ng foreign na bigas, hihilahin nito pababa ang farmgate prices, ‘pag mababa ang farm gate prices, nalulugi ang ating local farmers.
Pero may tiyak namang masaya sa aksyon na ‘yan – ‘yung mga importer.

Sige, abangan natin, ano pa ang mga ibibida ni PBBM sa kanyang SONA?

Paalala, ‘wag masyado umasa at baka sa halip pumalakpak sa pagtatapos ng litanya ng Pangulo ay mapabulalas kayo ng … SONA MAGAN!

30

Related posts

Leave a Comment