NAKAKAPANLUMO na ang nangyayari sa isa nating kababayan na naging biktima ng Human Trafficking sa UAE at ngayon naman ay inilipat sa Oman.
Ang aking tinutukoy ay si B—-a Sibulo na nagmula sa Makokak, Lipa City, Batangas. Magugunita na nitong nakaraan nating kolum ay akin nang sinimulan na banggitin ang tungkol sa patuloy na pamamayagpag ng Human Trafficking sa UAE.
Tinukoy din natin ang binansagan natin na si Mama G na siyang nambibiktima ng mga Filipina sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo ng mga job hiring sa Dubai at kanya pang ipinagmamalaki ang malaking sweldo na matatanggap, bukod pa sa pangako na sa loob lamang ng ilang linggo ay maka-kalipad na agad ngunit gamit pala ay Tourist Visa.
Sa kasalukuyan ay aking napag-alaman na noong unang dumating sa Dubai si B—-a Sibulo, siya ay ibinigay ni Mama G sa isang employer, ngunit makalipas lamang ng ilang araw s’ya ay minaltrato at sinaktan ng amo. Kung kaya siya ay nagpasaklolo kay Mama G. Ngunit sa halip na pauwiin na lamang sa Pilipinas, siya ay ibinenta sa ibang ahensya sa Dubai.
Ang bagong ahensya naman ay ibinenta s’ya sa bagong employer na dinala naman siya at kasama pa ang ibang biktima rin ni Mama G patungo sa Sultanate sa Oman.
Doon na naranasan ni B—-a Sibulo ang malaimpyernong karanasan at pagmamaltrato na naging dahilan ng kanyang pagkakasakit.
Ilan beses na siyang nagtangkang tumakas, ngunit dahil hindi naman niya kabisado ang kanyang kinalalagyan na lugar, ay nagdesisyon na lamang siya na humingi ng tulong sa inyong lingkod. At sa pamamagitan ng ating masigasig na media at advocate na si Tirson Paglicawan ay amin siyang pinangakuan na ipaparating ang kanyang kalagayan sa IACAT upang siya ay masaklolohan.
Gayundin, s’ya ay nakikiusap na iparating kay Governor Vilma Santos Recto ang kanyang sinapit at upang ialerto rin ang kanyang mga kababayan sa Lipa City sa paglaganap ng mga illegal recruiter sa kanilang probinsya.
Para sa mga humihingi ng tulong, ipadala po lamang sa aking email address na drchieumandap@yahoo.com ang inyong kumpletong detalye at salaysay ng inyong problema. (BANTAY OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
154