BILLS NI CONG. FIDEL NOGRALES AT PAAYUDA NG MAG-AMANG ROXAS SA MGA MAGSASAKA

TARGET KA ni REX CAYANONG

SA ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez, patuloy ang pag-usbong ng mga makabuluhang panukalang batas na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino.

Kasabay nito, nandiyan ang mahalagang papel ni Cong. Fidel Nograles sa komite at naglalayong itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawa.

Isang mahalagang hakbang ang isinusulong na pag-amyenda sa Presidential Decree No. 442, o mas kilala sa tawag na Labor Code of the Philippines, upang mapanatili ang pangangalaga at benepisyo para sa mga kapus-palad na manggagawa.

Nariyan ang House Bill (HB) No. 4752 na mag-oobliga sa mga kompanya na maglatag ng personal finance education program. Ito ay isang hakbang upang mapalawak ang kaalaman ng mga manggagawa sa pamamahala ng kanilang pinansyal na kalagayan.

Maging ang HBs 1279 at 2292 ay isinusulong din sa layuning mapalakas ang regulasyon sa pag-empleyo ng mga dayuhang manggagawa, gayundin ang HB 6907 (Mandating the localization of job opportunities); HB 7043 na magpapaigting ng karapatan ng mga manggagawa na magwelga; at HB 9320 para maibaba ang ‘term’ ng Collective Bargaining Agreement (CBA).

Sa layuning bigyan ang mga manggagawa ng mas mabilisang aksyon, pinapabilis ng HB 9320 ang termino ng CBA sa aspeto ng representasyon, mula sa dating limang taon, ay ibinaba ito sa tatlong taon.

Samantala, nakatanggap ang 1,469 na magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng Paniqui, ng tulong pinansyal na nagmula sa Department of Agriculture-Rice Competitiveness Enhancement Fund (DA-RCEF) Rice Farmers Financial Assistance.

Ang programa ay pinangunahan nang buong sigla nina Mayor Max Roxas at Vice Mayor Bien Roxas, dalawang lider na patuloy na nagbibigay-pugay at naglilingkod sa bayan.

Sa pagbibigay ng P5,000 sa bawat magsasakang benepisyaryo, masisiguro ang tulong sa kanilang pangangailangan at maitataguyod ang kanilang kabuhayan. Isa itong malinaw na patunay na ang liderato nina Mayor Max at VM Bien ay bukas sa mga programa na naglalayong mapaunlad ang sektor ng agrikultura at ekonomiya sa buong bayan ng Paniqui.

Bilang bahagi ng mas malawakang mga programa at proyekto mula sa national government, ang tulong na ito ay nagpapakita ng magandang ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng pambansang pamahalaan. Ang dedikasyon ng mga Roxas sa pagtataguyod ng kapakanan ng kanilang mga kababayan ay nagpapakita ng tapat na serbisyong bayan.

Hindi rin naman matatawaran ang nagaganap na mga proyekto para sa mga senior citizen sa Barangay Estacion.

Kaya sa pangunguna ni Chapter President Arturo Nuguid at ng buong konseho ng barangay ay ipinaabot nila ang kanilang masiglang pasasalamat sa liderato nina Mayor Max at VM Bien, pati na rin sa Office of Civil Defense (OCD), sa kanilang pagbibigay ng libreng bigas sa mga nakatatanda.

Sa kanilang malasakit at dedikasyon, ang pag-unlad at tagumpay ng bayan ng Paniqui ay patuloy na umaakyat, at ang mamamayan ay patuloy na umaasa sa mas marami pang magagandang pagbabago sa hinaharap.

Mabuhay ang liderato nina Mayor Max at Vice Mayor Bien!

172

Related posts

Leave a Comment