BINI-BRAINWASH NG CHINA ANG MGA PINOY

DPA ni BERNARD TAGUINOD

TINATANGKA ng China na i-brainwash ang mga Filipino hinggil sa usapin ng Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) dahil ang kasunduang ito sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ang pipigil sa kanilang ambisyon na maagaw nang tuluyan sa Pilipinas ang West Philippine Sea (WPS).

Akala siguro ni Xi Jinping, uubra sa Pinoy ang kanilang pangbi-brainwash sa kanilang mamamayan pero sinusubukan pa rin nila baka sakaling magbago nga naman ang isip natin at mawala ang balakid sa kanilang ambisyon na tuluyang maagaw ang WPS.

Pero mabibigo ang China dahil matagal nang walang tiwala sa kanila ang Pinoy dahil marami sa atin ay naniniwalang tuso si Xi Jinping dahil habang kinakaibigan tayo ay sinasakop nila ang ating teritoryo at ninanakaw ang yamang na dapat lang sana sa mga Filipino.

Hindi na ako nagtaka nang sabihin ng Chinese Embassy sa Pilipinas na ang EDCA ay makaaapekto raw sa interes ng bansa kasama na ang regional peace and stability dahil madadagdagan ang mga lugar na pagkakampuhan ng US Forces.

Baka ibig sabihin ng China ay interes nila ang maaapektuhan dahil kapag naipuwesto na ang karagdagang EDCA site sa Pilipinas lalo na sa Cagayan, Isabela, Palawan at Subic, ay malaki ang epekto nito sa kanila.

Mantakin mo, kapag may EDCA site sa Cagayan at Isabela, mapupurnada ang plano ng China na lusubin na ang Taiwan sa 2025 dahil malapit lang ang mga probinsyang ito sa frontline kung sakali.

Kung baga, madali nang marespondehan ng Amerika ang Taiwan kapag nilusob sila ng gahamang si XI Jinping.

Malapit lang din ang Subic sa Scarborough Shoal na inangkin at binakuran ng China ng kanilang puwersa kaya hindi makapangisda ang mga Filipino sa traditional fishing ground nila mula 2012.

Mas ayaw ng China na magkaroon ng EDCA site sa Palawan dahil dadami na ang mga patrulya sa WPS at madali nang maitataboy ang kanilang militia vessels at naglalakihang fishing boats na nagnanakaw ng mga isda sa karagatan ng Pilipinas.

‘Yung regional peace and stability ay sila mismo ang gumugulo dahil hindi lamang ang teritoryo ng Pilipinas ang inaagaw nila kundi maging ang mga teritoryo ng mga bansang nakapaligid sa South China Sea.

Mula nang ipatupad ng China ang nine-dash line sa South China Sea na sumakop sa territorial water ng mga bansang claimant sa Spratly Islands, gumulo na ang peace and stability sa rehiyon.

Sila rin ang dahilan kaya hindi matapos-tapos ang Code of Conduct na itinutulak ng Pilipinas sa South China Sea dahil nadidiktahan nila ang isang bansa na kasapi ng Southeast Asia na harangin ito kaya hindi matuloy-tuloy.

Sino ngayon ang mapipinsala ang interes sa EDCA? Hindi ang Pilipinas kundi ang mismong China kaya sinusubukan nilang i-brainwash ang mga Filipino pero mabibigo sila dahil sa kanilang katusuhan.

236

Related posts

Leave a Comment