KUNG lahat ng gustong gawin at nais mangyari ay nilalapatan muna ng sentido kumon bago iparating sa publiko ay maiiwasan ang pagsasayang ng oras, at ng pang-uuyam at puna.
Kaya ang iminumungkahing pag-angkat ng 330,000 metric tons ng bigas na pang buffer stock, na gagamitin sa kalamidad at ibang kagipitan, ay naunsiyami at hindi na itutuloy ng National Food Authority.
Kinumpirma ito ni Agriculture Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations Mercedita Sombilla, na nagpahayag ding may gagawin na ibang paraan ang NFA upang makakuha ng 330,000 MT ng bigas mula sa lokal na pinagkukunan.
Wala aniyang napag-usapan na importasyon ang DA at NFA, at naniniwala si Sombilla na alam ito ng pangulo.
May babagsakan na naman ng sisi sa isa pang palpak na plano ng isang ahensya upang maisalba ang pinuno ng DA?
Hindi naman siguro makitid ang pang-unawa ng administrasyon at konseho ng ahensiya upang isulong ang mungkahi na labag sa probisyon ng Republic Act 11203 sa Rice Tariffication Law.
Isa muli itong palusot o hayagang pagpapakita ng diskresyon ng pamahalaan na labagin ang batas na sila mismo ang bumabalangkas at nagpapatupad.
O isa pang taktika ng pang-aaliw sa mga madaling maniwala na maganda ang intensiyon at para sa kapakanan ng publiko?
Hindi umubra ang estratehiya dahil luma at gasgas na ang pakulo pero baka iba ang ipalit na magandang rason kaya hindi itutuloy ang importasyon ng bigas.
Dahil ba sa pag-iingay at kritisismo mula sa publiko kaya inurong ang planong importasyon? Hindi masama ang magreklamo, magpasaring at manghambalos ng puna sa mga kapalpakan at kababawan ng nasa pamahalaan dahil karapatan ng mamamayan na ihayag ang pagkadisgusto sa anomang layunin na imbes na ang ibubunga ay kapahamakan sa halip na kaginhawaan.
O baka bigyan muli ng matamis na interpretasyon ang pag-iingay at kritisismo – na ito ay larawan na umiiral ang demokrasya sa bansa. Kung mangyayari ang sapantahang ito ay pupurihin na naman ang pamahalaan sa pagsuporta, pagsulong at paninindigan para sa demokrasya sa bansa.
Parati, sila ang bida. Gagawa ng eksenang ala-kontrabida, saka pabubugbog at ang ending: bidang-bida pagbagsak ng kurtina.
Ang National Food Authority o Pambansang Pangasiwaan ng Pagkain, na nasa ilalim ng DA, ay responsable para masiguro ang seguridad ng pagkain sa bansa at ang katatagan ng suplay at presyo ng bigas.
Ipokus sana dito ang atensyon ng ahensya. Huwag nang mambulaga para pag-usapan nang maging relevant. Kapag sapat ang bigas sa pamilihan, abot-kaya ang presyo, may naisasaing sa panahon ng kalamidad at kagipitan, at sakaling masaya ang mga magsasaka sa paglinang ng lupa, ‘di ba ang nasa isipan nilang bida ay NFA?
