BIRTH PAINS SA E-EDUCATION

MAY kasabihan tayo na may birth pains sa mga bagong gagawin natin lalo na kung wala pa tayong karanasan at ngayon lang natin ito gagawin.

Kaya tiyak na maraming birth pains sa virtual education na pansamantalang ipapatupad ng Department of Education (DepEd) habang nasa gitna tayo ng COVID-19 pandemic.

Walang gustong isugal ang kaligtasan ng mga bata at mga teachers sa COVID-19 kaya sa kanilang bahay mag-aaral ang mga kabataan sa pamamagitan ng teleconferencing.

Kapag ipinatupad na ‘yan simula sa Agosto 24, diyan na maglalabasan ang mga birth pains lalo na’t wala tayong karanasan sa ganitong sistema ng edukasyon sa ating bansa.

Ang tanging may karanasan sa virtual education ay yung mga kumukuha ng masteral at doctorate degree, pero sa mga bata mula kindergarten hanggang senior high school ay wala pa kung kaya tiyak na maraming birth pains ang mararanasan.

Pero tingnan natin, subukan natin para huwag lang maputol ang pag-aaral ng mga bata. Siguro naman sa susunod na mga buwan o sa susunod na taon ay magkakaroon na ng bakuna sa COVID-19 at bababalik na sa kanilang classroom ang mga bata.

Kasama sa inaasahan kong birth pains ay kung papaano maabot ang ganitong education system ng mga estudyante na mahirap lang ang pamilya at yung mga nasa probinsya na ang internet connection ay aandap-andap.

Hindi ko alam kung papaano makakasabay ang mga estudyanteng ito sa mga kapwa nila na may kaya ang pamilya. Sila na may sariling gadget at internet connection sa kanilang bahay.

Kahit dito sa Metro Manila, maraming estudyante ang walang kakayahan ang kanilang mga magulang lalo na yung mga informal settlers kaya hindi ko alam kung papaano sila makakasabay sa mayayamang e studyante.

Sa mga probinsya, aminin na natin, marami sa mga estudyante ang pumapasok na walang tsinelas, lumang-luma ang damit, halos walang gamit, at namumutla sa gutom dahil pumapasok sila na walang laman ang sikmura dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya.

Nasa eskuwelahan lang ang mga batang ito dahil obligado ang kanilang mga magulang na i-enroll ang kanilang anak dahil libre naman ang basic education sa ating bansa.

Kung hindi nila papasukin ang mga bata ay mapuputol ang kanilang membership sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps pero hindi pa rin nila kayang iprovide ang personal na pangangailangan ng kanilang mga anak.

Kung sa mga personal na pangangailangan ng mga estudyanteng ito ay hindi na kayang ibigay ng kanilang mga magulang, ano pa kaya sa internet connection at gadget sa pag-aaral.

Kasama ito sa mga birth pains na inaasahan kong mangyayari sa electronic education na ipapatupad habang nagdudusa pa tayo sa COVID-19 na hindi agad tinugunan ng China kaya kumalat sa buong mundo kasama na ang Pilipinas.

Pero tiyak na mababawasan ang mga birth pains sa ganitong sistema ng edukasyon kung isesentro lang ng gobyerno ang atensyon nila sa mga mahihirap na estudyante para makasabay sila at hindi naman mapag-iwanan ng mga anak ng mayayaman at mga may kaya sa buhay.

69

Related posts

Leave a Comment