BOC, DDCAP DAPAT MAG-USAP SA DELIVERY NG MGA KAHON PARA MAPADALI ITO

LUMAPIT ang isang pulis sa akin upang humingi ng tulong kaugnay ng reklamong isinampa sa kanya. Ayon sa pulis, na ­humiling na huwag na muna siyang pangalanan, ang reklamo ay nag-ugat sa isang modus na tinulungan niyang maayos upang hindi na umabot pa sa korte.

Nagkasundo raw ang complainant at ang inirereklamo na magbayaran na lang at pumirma sa isang kasulatan. Nabayaran naman daw ang complainant ng mahigit sa kalahati ng napagkasunduang halaga pero tumalbog daw ang tseke ng inirereklamo at dito na nadamay ang kawawang opisyal ng PNP sa isang siyudad dito sa NCR.

Dahil imbes na idemanda ng complainant ang nag-isyu ng tumalbog na tseke, ang inireklamo nito ay ang pulis na tumulong sa kanila dahil pinilit lang daw sila nito na pumirma sa kasunduan na mag-ayos na lang.

Kung ganu’n, bakit hindi kaagad nagreklamo ang complainant ng “coercion” matapos ang pirmahang nangyari at kinuha pa ang perang bayad na napagkasunduan nila ng inireklamo?
Dapat ibasura ng NAPOLCOM ang reklamo laban sa kawawang alagad ng batas dahil wala itong merito.

Marami kaming natatanggap na katanungan sa kasalukuyang releasing ng balikbayan boxes ng Bureau of Customs. Karamihan dito ay may kinalaman sa “delivery” ng mga kahon sa mga lalawigan na walang kamag-anak dito sa NCR, upang kunin ang kanilang boxes sa portnet sa Sta. Ana Manila at sa warehouse sa Balagtas, Bulacan.

Sa aking panayam kay Dir. Michael Fermin ng BOC, kahapon sa aking programa sa DZME 1530khz, muli kong iminungkahi na kunin ang DDCAP (Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines) para rito. Pero mukhang sa ngayon ay wala sa plano ng BOC ang suhestiyon na ito at gusto muna ng BOC na kunin na muna nang personal ng ­claimants ang kanilang padala.

Kung ako sa BOC, magandang umupo sila ng DDCAP at pag-usapan kung paano ang gagawin sa isyung ito upang mapadali ang pagdadala sa natenggang mga bagahe, dahil karamihan ng mga nagrereklamo sa amin ay willing namang magbayad ng “delivery fee” na ‘di hamak na mas mura daw kaysa naman magpunta pa sila rito sa Manila at magastusan daw sa pamasahe.

Isa pang katanungan na aming natanggap ay may kinalaman daw sa pagdadala ng “Special Power of Atty.” o SPA ng kukuha kasama na ang dalawang valid gov’t. Id’s. Ito raw ay nanggaling kay “DOLLY” ng Manila International Container Terminal (MICT). Ang pagkakaalam ko ay kung ang kukuha ng kahon ay ang mismong recipient o ang pinadalhan nito, pwede na ang resibo kasama na ang mga gov’t. Id’s.

Pero ayon sa nagtanong sa amin, pinalalabas daw nitong si “DOLLY NG MICT” na kailangan ng SPA kahit may pa resibo pa, dapat linawin ito ng Bureau of Customs dahil ang pagkuha ng “Special Power of Attorney” ay may bayad at dahil dito, nawalan ng saysay ang kagustuhan ng kagawaran na wala nadapat bayaran ang kababayan nating OFWs.

10

Related posts

Leave a Comment