BORDER CONTROL SA MINDANAO HIGPITAN

0

HIGPITAN ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng border control sa Tawi-tawi at Gen. Santos City sa Mindanao para hindi makapasok sa bansa ang mga taong posibleng tinamaan ng “Delta ­variant” ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).

Ang mga lugar na ito ay malapit sa Indonesia at makararating na sa bansang ito, sa pamamagitan lamang ng bangkang de motor.

Batay sa report, ang Indonesia ngayon ang ­matinding tinamaan ng Delta variant.

Sa natanggap ng PUNA na impormasyon, nasa 40,000 kada araw ang nagkakaroon ng COVID – 19 sa nasabing bansa.

Sila ngayon ang nangu-nguna sa pinakamaraming active cases ng COVID – 19 na tinatayang nasa 400,000.

Dati, India ang nangu-nguna sa pinakamaraming kaso ng COVID – 19 dahil dito nagmula ang Delta ­variant.

Pero, ngayon ay Indonesia na ang numero uno makaraang matukoy na humigit kumulang sa 2 milyong katao ang nagkaroon ng COVID – 19 dito at nasa 400,000 na nga ang kanilang aktibong kaso at patuloy pa ito sa pagdami.

Ito’y dahil ­maraming pasaway sa kanilang mamamayan.

Hindi sumusunod sa health protocols na itinakda ng kanilang gobyerno ang mga residente sa bansang ito.

Kaya, nang makapasok sa kanilang bansa ang Delta variant ay mabilis na nakahawa sa kanilang mamamayan.

Kaliwa’t kanan ang mga nagaganap na pagtitipon ng mga residente, beach party at nilalabag ang kanilang health protocols.

Ang nararanasang ito ng Indonesia ay hindi malayong mangyari sa Pilipinas, lalo na katabi natin ang nasabing bansa.

Nabatid nating labas masok ang mga residente ng Mindanao patungong Indonesia.

Kaya, kung hindi hihigpitan ng mga awtoridad sa Mindanao ang border ­control dito ay hindi ­malayong ­matulad tayo sa Indonesia.

Halos iisa lang ang ugali ng mga Filipino at Indonesian na parehas matitigas ang ulo.

Hindi sumusunod sa health protocols at ayaw nilang magpabakuna.

Kaya, nanawagan ang PUNA sa Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy (PN), Philippine National Police – Maritime Group (PNP – Maritime) na ipatupad nila ang pinakamahigpit na pagbabantay sa border control sa pagitan ng Mindanao at Indonesia para matiyak na walang makapapasok na mga taong may dalang Delta variant.

Kung hindi tayo magtutulungan, maraming Filipino ang malalagas dahil sa COVID – 19 at baka tuluyan nang bumagsak ang ating ekonomiya.

Kahit paano, ngayon ay bumababa na ang bilang ng mga kaso ng COVID – 19 sa bansa natin.

Kaya, kaunting tiis pa para maalpasan natin ang matinding pagsubok na dala ng COVID – 19 pandemic.

Doon naman sa mga nangangasiwa ng bakuna, paspasan n’yo ang pagbabakuna nang magkaroon tayo ng herd immunity sa pinakamabilis na panahon.

‘Yan kasi ang inaasahan nating panlaban sa COVID – 19.

Magdadalawang taon na tayong naghihirap dulot ng COVID – 19.

At ang pinakamahalaga sa lahat ay samahan natin ng dasal sa Panginoon na gabayan Niya tayo at ilayo sa kapahamakan, amen.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o kaya magtext sa cel# 0919-259-59-07.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment