PUNA ni JOEL AMONGO
PANAHON na para baguhin ng Pilipinas ang istratehiya nito laban sa China sa ginagawa nitong pagbu-bully sa ating mga mangingisda at Philippine Coast Guard (PCG).
Hindi na matigil, nagiging paulit-ulit na lang ginagawa ito ng China sa ating mga Pilipino.
Kung totoo na nakapupuwing ang maliit sa malaki, bakit hindi ito magawa ng Pilipinas sa China?
Kung hindi kinikilala ng China ang inilabas noong Hulyo 12, 2016, na ‘Arbitral Tribunal in the South China Arbitration’ na (The Republic of the Philippines vs The People’s Republic of China) na unanimous ay in-award sa Pilipinas ang pinag-aagawang teritoryo, kailangan mag-isip ang ating gobyerno ng ibang paraan kung paano natin maipupursige ang ating karapatan sa ating karagatan.
Napakaraming produkto ng Tsekwa sa Pilipinas, bakit hindi natin iboykot ang mga ito?
Kung gagawin natin ‘yan baka ang iba pang maliliit na bansa na apektado rin ng pambu-bully ng China ay makisampatiya pa sa atin.
Marami namang mga maliliit na bansa na nakararanas din ng pambu-bully ng China tulad ng Vietnam at Indonesia subalit sila ay hindi nagpapasindak sa higanteng bansang ito.
Hindi lahat ng laban ang nanalo ay ang mas malaki, kailangan lang pag-isipan ng mas maliliit kung ano ang kahinaan ng kalaban niya na iindahin nito.
Alam ng maliliit na mga bansa na binu-bully ng China, na lamang ito sa pwersa sa usaping militar, kaya wala silang kalaban-laban dito.
Pero kung hindi nila tatangkilikin ang mga produkto ng China, malamang indahin ito ng dating tinaguriang “Sleeping Giant”.
Pagkaisahan ang China na ‘wag tangkilikin ang kanilang mga produkto, ng Vietnam, Indonesia, Malaysia, Thailand, Japan, at sumama na rin ang Taiwan na matagal na nilang pinagbabantaan na sasakupin, ay baka maisip nito na mahalaga pala ang maliliit na mga bansa para sa kanilang mga produkto.
Patuloy na nagpapalakas ang China ng kanilang pwersang militar sa mga isla na sakop ng Pilipinas, pero wala tayong magawa dahil laging nag-aalala ang ating gobyerno na baka giyerahin tayo.
Kung hindi natin kaya sa ganung paraan ay mag-isip kayo ng mas mabisa na mararamdaman ng China.
Na-PUNA natin na sobrang daming protesta na ang inihain ng Pilipinas laban sa China, kahit lahat pa ‘yan ay paborable sa atin ay wala ring mangyayari dahil hindi ito kinilala.
Suntok sa buwan ang ganitong ginagawa natin, nagsasayang lang ng pera at pagod ang gobyerno ng Pilipinas.
Subukan nating hikayatin ang mga Pilipino na ‘wag bumili ng mga produkto ng Tsekwa, makababawas pa ito sa kanilang mga gastusin.
Siyempre, malalaman agad ng China ‘yan kaya gagawa sila ng paraan na kausapin ang gobyerno ng Pilipinas para hindi lumala ang hindi pagtangkilik sa kanilang mga produkto.
Malaking problema nila ‘yan, baka gayahin ng iba pang mga bansa na nakararanas din ng kanilang pambu-bully. Esep-esep din minsan pag may time.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
