BRGY. KALIGAYAHAN CHAIRMAN ROXAS NAKATAGPO NG KATAPAT?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGKAROON na ng katapat si Brgy. Kaligayahan Chairman Alfredo “Freddy” Roxas sa katauhan ni dating Kagawad Marvin Miranda.

Sisimulan na ng korte ang ‘arraignment and pre-trial’ sa kasong isinampa ni Miranda laban kina Roxas at Admin Assistant Guillermo “Butch” Rosales sa Agosto 28, 2024.

Ang ‘arraignment and pre-trial’ ay itinakda ng Metropolitan Trial Court, National Capital Judicial Region, Branch 137, Quezon City sa Agosto 28, 2024.

Ang kaso ay nag-ugat sa ginawang solicitation letter ni Rosales sa MM Ledesma Laboratories na may tanggapan sa Zabarte Extension, Brgy. Kaligayahan, Quezon City.

Napag-alaman natin na pinayagan diumano ni Kap. Roxas ang ginawang solicitation letter ni Rosales sa MM Ledesma Laboratories gamit ang letter head ng Brgy. Kaligayahan na may petsang Hunyo 17, 2023.

Ang makukuhang pera sa solicitation letter na ito ay para umano sa Barangay Kaligayahan sa kanilang Ms. Gay Kaligayahan noong 2023.

Sa pangyayaring ito, noong Oktubre 27, 2023 ay sinampahan ni dating Kagawad Miranda sa Office of the Ombudsman sina Kap. Roxas, Assistant Admin Rosales at Kagawad Perla Mallari Adea.

Ang mga kaso ay kinabibilangan ng 1) Violation of the R.A. 6713 of Sec. 7 (d), An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees: 2) Violation of Sec. 3 (c) (e) of R.A. 3019, otherwise known as the Anti-Graft and Corrupt Practices Act; 3) Grave Misconduct and 4) Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service arising from the above criminal acts and for Disqualification of Holding Public Office; at 5) With Prayer for Preventive Suspension for a period of six (6) months without pay for each count pursuant to Section 24 of R.A. 6770.

Makalipas ang ilang buwan ay inendorso ng Office of the Ombudsman sa Office of the City Prosecutor ng Quezon City ang kaso nina Roxas at Rosales.

Samantala, nadismis naman ang kaso kay Kagawad Adea matapos na mapatunayan na walang sapat na ebidensiya laban sa kanya.

Kaya sa Agosto 28, 2024 ay tuloy-tuloy na ang ‘arraignment and pre-trial’ ng kasong: Violation of Section 7 (d) of Republic Act No. 6713 otherwise known as, “An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees” laban kina Roxas at Rosales.

Tinangkang pigilan ng kampo ni Roxas ang ‘arraignment and pre-trial’ ng kaso subalit hindi sila pinagbigyan ng korte.

oOo

Hindi natin makalimutan ang bisperas ng Barangay at SK Elections noong Oktubre 30, 2023 na ipinadampot ang inyong lingkod ni Kap. Roxas sa mga kagawad ng Quezon City Police District – Police Station 16.

Kahit na wala tayong kasalanang ginawa, pinaratangan tayo ni Roxas ng pangha-harass sa kanila, samantalang hindi ako nakipag-usap sa kanya ni kahit isang beses dahil nakikinig lamang ako sa kanilang diskusyon sa pagitan ng mga pulis na rumesponde hinggil sa report na may vote buying sa lugar.

Bilang media practitioner, trabaho nating pumunta dahil sa mga ulat na may kahina-hinalang vote buying sa St. Teresa School sa Brgy. Kaligayahan na pag-aari ni Roxas.

Hindi ako nakipag-usap kay Roxas kundi ang mga pulis na rumesponde at nang sumunod na dumating sina Col. Vitto at Gen. Maranan sa lugar ay lumakas ang loob nito at bigla akong itinuro na nangha-harass daw sa kanila.

Sa pangyayaring ito ay ipinakikita ni Roxas na kahit walang kasalanan ang media practitioner sa kanya ay kaya niyang ipadampot bilang isang barangay kapitan.

Dito na akong kinausap nina Col. Vitto at Gen. Maranan na kailangan kong sumama at agad akong pinasakay sa kanilang mobile at dinala sa Police Station 16.

Tumagal ako nang mahigit sa anim na oras na pinigil sa Police Station 16 at sa paghihintay ko kung anong ikakaso nila sa akin, subalit kalaunan ay pinalaya nila ako matapos mapatunayan nila na walang katotohanan ang paratang ni Roxas na nang-harass ako sa kanila.

Sa pangyayaring ito ay pinayuhan ako ng aking mga kaibigang abogado na sampahan ko ng mga kaso sa Commission on Human Rights (CHR) at korte sina Roxas, Vitto at Maranan dahil sa ginawang pagdampot nila sa akin nang walang kasalanan.

Sinabi pa ng aking mga kaibigang abogado na may nilabag na batas sina Kap. Roxas, Vitto at Maranan sa kanilang ginawang pagdampot sa akin nang walang basehan.

Nagpapakita lamang na ginamit nina Roxas, Vitto at Maranan ang kanilang mga posisyon sa gobyerno para makapang-api ng tao, sa tulad kong lehitimong media practitioner na tumutupad lamang sa aking tungkulin bilang mamamahayag..

oOo

Para sa sumbong mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.

 

43

Related posts

Leave a Comment