BRGY. OFFICIALS, DAPAT MANAGOT SA PAGDAMI NG BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITERS

AKO OFW

Kapansin-pansin ang biglang paglobo ng bilang ng mga nabibiktima ng illegal recruiters mula sa mga probinsiya patungo sa Dubai o Abu Dhabi sa U.A.E.

Karamihan sa aming natatanggap na sumbong o paghingi ng saklolo ay ang mga nagmumula sa probinsiya na hinikayat na magturista sa U.A.E. na ang tunay na pakay ay ang magtrabaho. Mahigpit kasi itong ipinagbabawal dahil sa umiiral na deployment ban sa bansang U.A.E.

Ang sistema na ginagawa ng illegal recruiters ay humihikayat sila ng mga OFW o dating OFW sa pamamagitan ng pag-post sa Social Media ng mga job opening na libre ang pasaporte at diumano ay mabilis na makakaalis. Ngunit karamihan sa mga nabibiktima ng mga ito, pagdating sa U.A.E. ay nagsisimula nang maltratuhin at takutin ng mga ahensya na nakabase sa U.A.E.

Isa sa kaso na aming natanggap ay mula sa isang taga-Bataan na kung saan, siya ay nahikayat na magtungo sa Dubai para magturista ngunit ang pakay ay ang magtrabaho. Noong nalaman ng kanyang nobyo ang kanyang plano, ay agad nitong sinira ang kanyang pasaporte para lamang hindi sya matuloy sa pagtungo sa Dubai. Ikinagalit ng illegal recruiter ang pag-urong ng biktima, kung kaya nagsumbong sa Barangay ang illegal recruiter na kung saan ay pilit na pinapirma ang biktima sa isang pangako na ito ay magbabayad sa harap mismo ng Barangay Official.

Gayundin ang kaso ng isang taga-Pangasinan na kung saan ay natuloy itong lumipad patungo sa Abu Dhabi, ngunit makalipas lamang ng ilang buwan doon, ay nakaranas nang pagmamaltrato at humingi ng tulong sa kanyang kamag-anak. Ipinaalam ng mga kamag-anak sa illegal recruiter ang kanilang pangamba. Ngunit imbes na tulungan na makauwi sa Pilipinas ay tinakot pa ang buong pamilya. Bukod sa pananakot, ay hiningi din ng illegal recruiter na isurender sa Barangay na sakop ng kapatid nitong Kagawad ang titulo ng kanilang bahay upang masiguro na babayaran nito ang mahigit P150,000 na nagastos diumano ng recruiter sa pagtungo nito sa Abu Dhabi.

Imbes na hulihin ng mga opisyal ng barangay ang mga gawain na ito ng illegal recruiters, ay nagiging kasangkapan pa sila para mapilitan na magbayad ang mga biktima sa illegal recruiters.

Kung kaya ating tinatawagan si DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino na bigyan ng parusa ang sinumang opisyal na nakikipagsabwatan sa illegal recruiters. (Ako OFW / Dr Umandap)

165

Related posts

Leave a Comment