KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
NAGSIMULA na ang election period kahapon, Agosto 28 hanggang Nobyembre 29, 2023 para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Oktubre 30, 2023.
Para hindi po tayo magsisi sa matagal na panahon ay pumili tayo ng tamang tao na ating iboboto na magpapatakbo ng ating mga barangay.
Mayroon tayong 42,029 barangays sa Luzon, Visayas at Mindanao kaya kailangan din natin mag-elect ng ganitong karaming kapitan.
Ang bansa ay mayroong 18 regions, 81 provinces, 145 cities, 1,489 municipalities, at 42,029 barangays.
Bakit sinabi kong para hindi tayo magsisi nang matagal? Ilang beses na kasing ipinagpaliban ang barangay at SK election.
Kaya kawawa ang mga barangay na may mga palpak na kapitan at mga kagawad.
Marami kasing barangay officials ang abusado at tamad sa kanilang mga trabaho.
Hindi lang dapat marunong makisama sa mga inuman si kapitan at ang mga kagawad kundi ang kuwalipikasyon nila ay ang malasakit sa kanilang mga kabarangay.
Kung baga sa mga sundalo, sila ang unang hanay ng depensa kaya kung may giyera, sila ang unang haharap sa kalaban.
Paano kung natutulog sila sa pansitan, paano sila haharap sa kalaban?
Kaya ang piliin natin ay ang masipag, maagap at may talino rin.
Napansin ko na ilan sa mga barangay official ay walang alam, nanalo lang dahil magaling makisama sa mga inuman.
Sa kanila nakasalalay ang kaayusan ng mahigit sa 42 barangays sa buong bansa kaya dapat masipag, maagap at may talino ang ating pipiliing barangay officials.
‘Wag din natin iboboto ang mga tumatakbong kapitan at mga kagawad na malakas kina mayor, gobernador, congressman, senador, vice president at presidente.
Ang Barangay at SK election ay non-partisan kaya dapat wala silang partido o grupo ng mga politiko na kinaaaniban.
Tagisan po ng magagaling mag-serbisyo sa kanilang mga kabarangay ang Barangay at SK election, hindi labanan ng mga may pera ‘yan.
Kaya kapag nagkamali tayo sa pagpili ng barangay officials, tayo rin ang mapeperwisyo.
376