KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
BAKIT nga ba ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSK) ngayon ay sobrang mainit?
Dahil ba sa may pera na sa barangay ngayon o nagagamit sila ng mga politiko?
Nakapagtataka kasi na sa kabila na magkakapitbahay lang ang naglalabanan, kung minsan ay humahantong pa sa patayan.
Noong araw ay hindi naman ganito, ngayon ay sobrang mainit na ang labanan ng mga kandidato sa mga barangay.
Noong araw rin kasi ay wala pang sweldo ang mga barangay captain at iba pang mga opisyal kaya walang away sa mga kandidato.
Ibig bang sabihin nito ngayon, dahil may milyun-milyong pisong budget na sa bawat barangay, ito ang kanilang pinag-aawayan?
O dahil nagagamit sila ng mga politiko na mas mataas sa kanila kaya gumugulo ang halalan sa barangay?
Nariyan na si congressman, si mayor at si gobernador na may manok na barangay captain at mga kagawad.
Kung susundin ang batas, non-partisan ang Barangay at SK Elections, pero bakit pinakikialaman sila ng mga politiko na mas mataas sa kanila?
Sila kasi ang grass root leader ng mga politiko sa ibaba kaya ginagamit ang mga kandidato sa barangay.
Imbes na sumunod ang nakatataas na mga politiko, bilang non-partisan ang barangay, hindi nila ito pinapansin.
Kaya sa pananaw natin, napaglalaruan lamang ang barangay ng mga nakatataas na mga politiko, kaya lalong umiinit ang halalan sa barangay.
Bakit hindi na lang ipaubaya ng nakatataas na mga politiko ang BSK elections sa mga kandidato upang hindi maging magulo ang halalan sa barangay.
Nitong nakaraang mga araw na kampanyahan, ay kaliwa’t kanan ang mga ulat hinggil sa vote buying at iba’t ibang paglabag sa batas na may kinalaman sa election.
Imbes na maging maayos ang BSK elections ay lalong gumugulo dahil sa pakikialam ng nakakataas na mga politiko.
Kaya wala tayong maaasahang maayos at tahimik na BSK elections.
147